Lantaran na garapalan pa!!!

KAKAIBANG sakit talaga ang dumadapo sa karamihan ng opisyal ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria at lahat sila ay nagagaya na sa amo nila at pilit na tinitikom ang bibig at tinatago ang katotohanan.

Huli rito ay itong mga magagaling na commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ayaw ding humarap sa Senado sa ginagawang imbestigasyon tungkol sa Philcomsat at ang hirit pa ay hindi raw nila maaaring isa-publiko ang mga nangyayari sa mga kompanyang sequestered nila.

Ang hindi inaamin ng mga magagaling na mga mangungumisyon na ito (hindi ba yun ang tawag sa mga commissioner) sa pamumuno ni Chairman Camilo Sabio ay lahat ng mga kompanyang tinake-over o sinequester ng PCGG mula nang itayo ito ay nalugi o di kaya’y nabankarote.

Mula sa mga textile firm na naubos at nabenta pati ang mga quota hanggang sa mga television stations at ultimo mga lupa ng mga pinaghihinalaang mga cronies ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos ay bankarote dahil sa walang tigil na panghuhuthot at panggagatas ng mga magagaling na mga fix este fiscal agents ng PCGG at magagaling na opisyal nila na expert din sa commission.

Masakit nito, galit at matatapang pa ang karamihan sa kanila gaya ni Sabio at Commissioner Ricardo Abcede na hindi raw nila kailangang ihayag ang mga nangyayari sa naturang mga kompanya. Daig pa talaga ng mga kagalang-galang na ito ang mga holdaper, kidnaper at magnanakaw.

Galit pa ang opisyal na ito dahil hinahalungkat ang kanilang palpak na pagpapatakbo ng mga naturang kompanya.

Sabagay, hindi na ako nagtataka dahil obvious naman na gaya lang sila ng amo nila na kahit na buking na buking na ay ayaw harapin ang katotohanan at sasabihing pulitika kasi ang dahilan kung bakit sila inuukilkil.

Gaya ng lagi kong katanungan sa Malacañang, ang dapat nilang sagutin ay kung nagnakaw ba sila? Nandaya ba? Nagsinungaling ba? Yan lang ang sagutin n’yo at huwag iligaw ang isyu. Masyado na kayong garapal.
* * *
Nadulas si Senadora Miriam Defensor Santiago at umaming magfi-file raw ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa United States dahil sa pag-revoke nila ng visa ni former Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante at pagpapakulong doon.

Ang kilos ng Malacañang na ito ay bilang katugunan sa pag-amin ng US na kinansela nila ang visa ng "fertilizer expert" na opisyal ng Pilipinas.

Tama si Sen. Panfilo "Ping" Lacson, lumalabas na ang tunay na kulay ng Malacañang at hindi na ako nagtataka, noon pa man sa sampung sinabi nila kahit yata isa mahirap paniwalaan.

Sabi kasi ng Malacañang noon na wala silang pakialam kay Bolante. Sabagay, saan ba nahuhuli ang isda, hindi ba sa bibig, tsaka baka magalit si Jocjoc na best friend ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at magkakakanta sa harap ng opisyal ng US. Lantaran na Garapalan pa!
* * *
Warning ho sa mga kababayan nating mahilig magtitingin ng appliances sa ilang mga sikat na malls. Merong ilang mga "magiginoong" mga sales person gaya nitong isang nakilala ko bilang si Jonathan D. ng Cavite.

Gagawa siya ng paraan kasama na ang medyo bastusin kayo upang magalit kayo at pag pumatol kayo ay meron siyang mga kasabwat na mga security personnel at ilan pang mga siga na magdadala sa inyo sa kapulisan.

Pag dating n’yo roon, kakasuhan kayo at pilit kayong hihingian ng pera kung hindi raw pakukulong kayo at ididemanda. Marami na ho ang nabiktima nila at patuloy itong nakakapambiktima sa mall sa Makati. Pagnakita n’yo ang mga ito, iwas na lang kayo at huwag kayong papatol. Sindikato ang mga ito.

Sa Baguio naman, komo inalis ang mayor na talagang ayaw sa jueteng ay open na ito ngayon bukod sa partidahan — montehan at laganap pa ang ilegal na droga. Ganoon din ang problema sa San Jose del Monte, Bulacan. Same thing sa Zaragosa, Nueva Ecija na tatlong beses ang bola ng jueteng at ang fruit game at video karera ay hindi yata nakikita ng mga opisyal dahil kay Mang Pedro. Sa Narvacan, Ilocos Sur at Matnog, Sorsogon same issue rin.

Sa Alvarado, Binondo naman, in full force na naman ang video karera at ito’y ilang araw lang bago magdeklara ng all out war laban sa illegal gambling ang bagong hepe ng MPD. Press release na naman lang as usual. Ilegal gambling din ang suliranin sa Malolos at sana hindi totoong kapatid ng taga city hall ang financier nito.

Tulog naman ang mga pulis sa Baclaran dahil balik na naman ang mga vendor at walang malakaran ang mga tao. Absent naman ang mga "honesty teams" ni Philippine National Police chief Oscar Calderon at present lang ay mga pulis patolang mahilig mangharang ng mga motorsiklo na pilit hinahanapan ng butas sa haba ng EDSA. Yung iba naman mahilig magtago lalo na riyan sa R. Magsaysay Blvd., pagkalampas ng SM Centrepoint.

Sana rin kumilos ang mga "honesty team" laban sa ilegal na droga na talamak na sa maraming lugar gaya ng San Pedro, Laguna, Pasay, Manila at ultimo Baguio bago alisin si Mayor Yaranon.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments