Ang estudyante ang laging nahahagupit kapag mababa ang kanilang ipinakikitang performance. Ang mga estudyante ang tanging bobo at walang alam. Wala nang iba pa.
At ang ganitong pag-aakala ay isang malaking kamalian. Sa halip na ang estudyante ang sisihin ay bakit hindi pag-ukulan ng pansin ang kakayahan ng mga guro. May sapat bang kakayahan ang mga guro sa pagtuturo ng English, Science at Math? Mayroon ba silang kasanayan para ganap na maipaliwanag sa kanilang mga estudyante ang kanilang itinuturo. O wala silang alam at kakayahan sa propesyong pinasok.
Nakaaalarma ang sinabi ni House Deputy majority leader Eduardo Gullas na 19 sa 100 guro ang may kasanayan sa subject na English. Sinabi pa ng mambabatas na maraming guro ang walang alam sa Math at Science.
Ang nakaaalarmang balita tungkol sa mga guro na walang alam sa English, Math at Science ang naging daan para maglaan ang gobyerno ng P940-milyon para hasain ang mga "bopol" na guro. Tinatayang nasa 50,000 guro sa publikong paaralan ang hahasain sa susunod na taon. Ang 50,000 guro na hahasain sa English, Science at Math ay hiwalay pa sa 25,000 guro na kasalukuyang sumasailalim na sa "service training".
Maganda ang planong ito para sa mga guro. Sila ang nararapat hasain. Kung magkakaroon na sila ng sapat na kasanayan sa English, Science at Math, malaki ang posibilidad na magkaroon na ng kalidad ang edukasyon sa Pilipinas. Wala na marahil Grade 6 at fourth year high school na mangangamote sa achievement test.