Imbestigasyon sa mga pulis sa abroad, ningas-cogon ba?

MUKHANG ningas-cogon lang itong iniutos na imbestigasyon ni Sr. Supt. Danilo Abarsoza, ang OIC ng MPD, ukol sa mga pulis na nagtatrabaho sa abroad subalit nagsusuweldo pa. Naging paksa kasi sa buong MPD ang isyung ito, subalit hanggang sa ngayon ay walang makitang palatandaan ang mga pulis doon na tinupad ni Abarsoza ang pangako niyang imbestigahan ang ibinulgar ko. Ayon sa mga kausap ko sa MPD, ang dapat ginawa ni Abarsoza ay magpa-accounting siya ng mga pulis para maarok niya kung sinu-sino ba talaga ang nasa abroad subalit nagsusuweldo pa sa gobyerno. Kapag may physical accounting kasi, hindi makaiwas ang mga ‘‘ghost’’ policemen na hindi sila mabisto, anang mga kausap ko sa MPD. Nag-create nga si Abarsoza ng committee para imbestigahan ang isyu subalit ang tanong, ‘‘Kumikilos ba sila sa tamang direksiyon?’’

May hinala ang mga pulis na kausap ko na pilit pinapatay ng MPD ang isyu dahil may tatamaan o mabubulgar na baho at maaapektuhan ang tsansa ni Abarsoza na maging permanenteng MPD director nga, he-he-he! Ayaw ng mga kausap ko na didiktahan lang ng ibang may interes sa MPD si Abarsoza. O kahati ba sa kita ang tawag doon?

Kungsabagay, ikinakalat ng isang retiradong heneral na si Abarsoza ang napipisil ni First Gentleman Mike Arroyo para maging MPD director nga. Si heneral kasi ay palaging nakabuntot kay FG Arroyo para ipakita sa sambayanan na may asim pa siya rito. Kaya sa isang umpukan sa MPD, masayang ikinalat ni retarded… este retired general na ikukumpas na ni Mayor Joselito Atienza ang kanyang kamay sa direksiyon ni Abarsoza sa linggong ito. Mukhang mas interesado pa si retired general na maupo sa MPD itong si Abarsoza, sa magkano… este sa ano kayang dahilan? Ayon kay heneral, ayaw ni Atienza sa PMAer kaya’t si Abarsoza lang ang nararapat na maging MPD director bunga ng mga accomplishments nito, he-he-he! Sa tingin naman ng kausap kong rank-and-file sa MPD, gagawin lang na tando-tando ni heneral itong si Abarsoza para hindi mabuking ang mga anomalya diyan sa hanay ng mga pulis natin. Pero sa pagsabit ni heneral sa pangalan ni FG Arroyo, mukhang kinumpirma lang niya na nakikialam talaga ito sa gobyerno ng asawa niya, di ba mga suki? Baka magamit pa ni Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano ang isyung ito sa pagpili sa MPD director laban kay FG Arroyo ah?

Sa punto ng mga ilegal naman, dahan-dahang nagbubukas ang mga pasugalan sa sakop ni Abarsoza at mukhang siya lang ang hindi nakakaalam nito. Pero abot ito ng isang kapitan na gumagamit ng pangalan niya dahil tinatawagan nito ang mga MPD raiding teams para pakawalan ang mga naaresto nila, lalo na sa bookies ng karera. Kaya mga suki, nagpakalat na tayo ng ating espiya para halughugin itong Maynila at patunayan kung sinusunod pa o hindi ng mga station commanders niya ang kautusan ni Abarsoza na ‘‘no take policy.’’ Wala kasing naniniwala na magtatagal itong pagpapasara ni Abarsoza sa mga pasugalan sa Maynila. Isang malaking achievement ito para sa kanya kapag hindi na magbubukas ang pasugalan sa termino niya, dahil wala pang opisyal ng PNP natin ang nakagawa nito, maliban kay Lacson kuno?

Kapag walang kita kasi, tiyak aalis itong si heneral sa tabi ni Abarsoza! Marami pang kasunod. Abangan!

Show comments