‘Kasong Sexual Harassment sa Shoemart Cubao, inimbestigahan ng BITAG!’

SADYANG isinisigaw at inilalantad ng BITAG sa buong bansa ang hubo’t hubad na katotohanan ng Sexual Harassment.

May batas man na Anti-Harassment Act of 1995 sa ilalim ng R.A. 7877, marami pa rin ang nabibiktima sa kanilang pinagtatrabahuhan, maging sa kanilang mga eskuwelahan.

Laganap sa ating lipunan ang sexual harassment, isang paglalapastangan, pananamantala, pang-aabuso, o pambabastos sa babae man o lalaki, gamit ang ka-nilang posisyon o impluwensiya sa isang kompanya o eskwelahan.

Sakop ng Sexual Harassment ang pananalita ng kabastusan o may intensyong kalaswaan tulad ng green jokes, pagkilos ng may temang sekswal, at panghihipo na kung mamalasin ang biktima ay nauuwi sa panghahalay.

Marami sa lipunan ang hindi nakakaalam kung ano ang Sexual Harassment kung kaya’t isinasantabi at binabalewala na lamang ng mga nabibiktima ng mapagsamantalang amo o kasamahan sa trabaho na naka-tataas sa kanila.

Tulad na lamang ng reklamong inilapit ng isang Promo Girl ng Shoemart Cubao na si Baby Rolet Zinampan sa tanggapan ng BITAG.

Ito ay patungkol sa paglalapastangan umano sa kanya ng kanyang Supervisor na si Danilo Santos sa Shoemart Cubao.

Ayon kay Baby Rolet, nangyari ang pambabastos sa kanya sa loob ng stockroom sa SM Cubao noong June 6, 2006. Pinaaalis umano ni Santos ang mga tao sa loob nito at dito isinagawa ang pananamantala at pambabastos sa biktima.

Ipinasok umano ni Santos ang kanyang kamay sa loob mismo ng pantaas na uniform ni Baby Rolet at hinawak-hawakan ang kanyang dibdib at hindi inintindi ang pagmamakaawa ng biktima sa kanya.

Pormal mang ipinarating ng biktima ang pambabastos sa kanya ng manyak niyang bisor sa mga nakatataas sa Shoemart, wala pa ring malinaw na resolusyon ang management ng SM Cubao sa kaso ng kanilang promo girl.

Sa halip, inilipat lang si Santos sa ibang departamento ng SM sa Cubao pa rin habang itinapon na lamang si Baby Rolet sa ibang mall tulad ng ginawa ng pamunun ng SM sa dalawa pang nabiktima ni Santos ng kalaswaan.

Dito lalong nagkainteres ang BITAG, kaya’t pinagana ng grupo ang BITAG Surveillance Team upang gumala sa loob mismo ng SM Cubao, at sa tulong na rin ng isang nagsisimpatiyang empleyado dito, kitang-kita ng aming surveillance camera na aktibong aktibo pa rin talaga ang manyak na si Santos sa nasabing mall.

Sinubukan ng BITAG hingin ang pahayag ng Human Resource Ma-nagement ng SM Cubao, subalit sa anumang kadahilanan, tumanggi itong humarap sa grupo.

Masakit isipin ngunit nagkaroon man ng isang beses na pagdinig ng ka-so ni Baby Rolet laban sa kanyang supervisor na si Santos, nangangapa pa rin ang pobreng promo girl kung ano ang kahihinatnan ng kanyang reklamo.

Hanggang sa kasalukuyan, tahimik pa rin ang pamunuan ng SM Cubao kay Baby Rolet na taliwas sa isinasaad ng R.A. 7877 na dapat sa isang kompanya, may komiteng didinig ng kaso at kailangang maresolusyunan sa loob ng siyamnapung (90) araw.

Layunin lamang ng BITAG ang ilantad ang anumang pananaman- tala at pang-aabuso ng mga nakatataas sa kanilang nasasakupan, maging ang pagbabalewala ng pamunuan ng isang kompanya sa kasong kinasasangkutan ng kanilang empleyado.

Kaya’t sa mga naglipanang mapagsaman-tala, mapang-abuso at bastos sa kompanya man o paaralan, mas mabuting kilalanin niyo na ang batas sa Sexual harassment, huwag niyo nang hintayin pa na ang grupo ng BITAG ang tutuldok sa inyong kahalayan!

Show comments