Grabeng pinsala sa karagatan ang idinulot ng natapong langis. Inanod sa dalampasigan ng Guimaras at binalutan ng dilim ang pinagkakakitaan ng mga residente. Hindi makapangisda ang mga tao roon sapagkat ang nahuhuli ay mga isdang nakabalot sa langis. Maski ang mga bakawan na tirahan ng mga isda, hipon at mga koral ay napinsala ng langis. Hindi rin pinatawad ang mga ibon na ang pagkain ay nakukuha sa dagat. Sa pagdayb sa tubig na may langis pati sila ay nabitag at hindi na makalipad. Maraming residente roon ang kasalukuyang nagugutom.
Ang isang masasabi ngang kabutihan sa pagkatapon ng langis sa karagatan ay ang pagkagising ng mga awtoridad. Ang pagkatapon ng langis ang naging daan para maghigpit ang Bureau of Customs at Coast Guard sa mga barkong nagta-transport ng mga mapaminsalang chemical.
At naisip ni President Arroyo na mag-certify ng batas na magpapalakas para maprotektahan ang kapaligiran laban sa oil spill.
Noong nakaraang linggo isang barge ang Cheryl Anne, ang nabalitang may kargang nuclear waste patungong Surigao. Nang mabalitaan ito ni Mrs. Arroyo agad niyang ipinag-utos na imbestigahan ito. Nang imbestigahan ng Coast Guard ang Cheryl Anne, nalamang used oil ang laman nito at galing sa Palau. Pinigil ang barge.
Magiging mahigpit na ang gobyerno sa mga sasakyang dagat na may lamang mapanganib na kemikal. Mariin ang babala ni Mrs. Arroyo na iprosecute ang mga may-ari ng barko na nagtatransport ng mga chemicals. Ang nangyaring pagkatapon ng langis sa Guimaras ay hindi na dapat maulit. Sabi pa ni Mrs. Arroyo na hindi na pahihintulutan ang mga barkong may kargang chemicals na maging transport lanes ang karagatan ng Pilipinas o maging tapunan ng nakamamatay na dumi.
Tama na ang nangyaring trahedya sa Guimaras at hindi na ito dapat maulit. Hindi lamang ang ka-buhayan at kalusugan ng mamamayan ang napipinsala kundi pati na ang mga yamang-dagat. Tama na ang isang Guimaras oil spill.