Nung 1989 bumili ng 24 ektaryang lupa sa Tagaytay City ang family corporation nina Elicaño na Eland Philippines Inc. Raw land pa lang yon, pero maganda dahil nakaharap sa Ridge, tanaw ang Taal Lake at Volcano. Lalo pang gumanda nang itinayo nung 1998 sa karatig lote ang Tagaytay Highlands, ang pinaka-class na golf courses, condo at rest house ngayon sa Pilipinas. Pinatituluhan ng Eland ang lupa: OCT No. 0-660.
Taon 1998 din nagsimula ang problema ng Eland. Biglang may nag-claim na kanila ang lupa. Mga estranghero sina Azucena Garcia, Elino Fajardo at Teresa Malabanan walang nakakakilala sa Barangay Iruhin, at ni hindi pa nakakatuntong sa pook. Balitay backed up sila ng sindikato na bihasa umagaw ng lupa dahil sa mga kontak na huwes at mahistrado.
Sa madaling salita, iniharap ng Eland sa huwes sa Cavite ang titulo nila, at mga resibo sa pagbayad ng buwis mula nang mabili ang lupa. Walang ihinarap na titulo o resibo ang mga estranghero. Pero malaking himala pinasya ng huwes nung 1999 na sa tatlong estranghero ang lote.
Dumulog ang Eland sa Court of Appeals. Tumagal hanggang 2005 ang kaso. Natigil lang nang sabihan ang justice na may hawak ng kaso, ng isang kapwa mahistrado, na ibalato ito sa kanya. Ang ibig sabihin, ipatalo ang kaso ng Eland. Nabalitaan ito ng Eland dahil nagsumbong sa kanila ang abogadong kapatid ng justice na pinapakiusapan.
Dahil natalo uli ang Eland, dumulog naman ito sa Supreme Court. Pero ang naglalakad na mahistrado sa Court of Appeals ay na-promote na doon. Laking gulat tuloy ng Eland nang, sobrang bilis, na-raffle ang kaso nila sa loob ng tatlong araw lamang, at lumagpak sa division kung saan nakaupo ang salbaheng mahistrado.
Alam na natin ang mangyayari. Aandar muli ang pera sa Kataas-taasang Korte, tulad ng pag-andar nito sa mabababang korte. Mapapasa-kamay ng sindikato ang lupa. Mawawalan ng pag-aari ang Eland.