Banko nagamit sa isang modus

DUMULOG sa BITAG action center ang isang cashier ng isang fastfood chain na naging biktima ng isang sindikato.

Ayon sa reklamo nakagawian na nilang magpapalit ng money bills bilang panukli sa mga banko na malapit sa kanilang establisimiyento.

Pero ikinagulat nang nagrereklamo ang pagtawag ng isang nagpakilalang staff ng Philippine National Bank sa kanilang store at inalok siya na sa kanila na lamang daw magpapalit ng loose bills at coins.

Kaya’t nag-utos siya ng isang crew para magpapalit subalit pagbalik ng kanyang inutusang crew wala na ang nasabing babae na tumanggap ng P30,000.

Nakakapagtakang hindi kilala ng mga empleyado ng banko ang sinasabing babae, samantalang nakapasok ito sa kanilang restricted area.

Sa pamamagitan ng larawang kuha mula sa close circuit television (CCTV) ng PNB nakita ang manggagantso na pumasok at tumangay ng bag na may pera.

Nang tawagan ng BITAG ang PNB security office sinabi na wala silang pagkukulang sa pagnanakaw sa kanilang restricted area dahil sapat daw ang kanilang babala na nakapaskil sa kanilang banko.

Mayroon man silang babala na nakapaskil sa loob ng banko, hindi pa rin ito sapat sa isinagawang modus ng sindikato.

Subalit may kakaharapin na responsibilidad ang banko sa ganitong kaso maging criminal o civil case dahil may nangyaring kapabayaan sa banko ayon sa abogadong kinunsulta ng BITAG.

Hindi estilo ng BITAG na manira ng kahit anong uri ng negosyo o kompanya. Layunin lamang ng BITAG na ilantad ang katotohanan at managot ang dapat managot sa bawat kapabayaan.

At sa sindikatong nasa likod ng modus na ito alam na ng BITAG ang inyong estilo nakahanda ang patibong ng BITAG na tutuldok sa inyong kagaguhan.
* * *
Panoorin bukas sa BITAG Extreme ang kabuuang istorya at ang imbestigasyon ginawa ng BITAG sa kasong ito alas-9 hanggang alas-10 ng gabi sa IBC 13.

Show comments