‘Pulis na walang kaparis...’

HANGGANG SAAN ang sukdulan ng kasamaan ng isang tao? Ilang beses nagtiis ang biktima sa mga ginagawa ng kanyang kapitbahay at kumpare pa man din. Hindi niya inabuso ang pagiging pulis bagkus ay dinaan niya ito sa legal.

Andyang tinutukan siya ng baril binarangay upang magkaayos. Nagpakita ng kalaswaan subalit hindi pa rin pinansin. Di niya akalaing bandang huli ang lahat ng kanyang pagpaparaan sa kasamaan ng kumpare niya ay hahantong sa malagim na trahedya.

Nagpunta sa aming tanggapan si Constantino Borre ng Caloocan City upang humingi ng tulong hinggil sa kasong isinampa nila laban sa dalawang suspek.

Matagal na umanong may alitan ang biktimang si SPO2 Ramon Borre, isang pulis na walang kaparis. Naka-assign ito sa Central Police District at ang isa sa dalawang suspek na kinilalang si Abelardo Palanas alyas Aspog.

Magkaibigan sina Borre at Aspog. Katunayan nito ay magkumapre pa ang dalawa. Lasing noon ang suspek nang tutukan umano nito si Borre. Hindi na lamang pinansin ni Borre ang ginawa ni Aspog upang hindi na lumaki pa ang gulo. Minabuti na lamang ng biktima na ipagbigay-alam sa tanggapan ng barangay ang pangyayaring iyon.

Pinatawag si Aspog sa barangay at pinaunlakan naman niya ito. Pinagkasundo ang dalawa at nagkapatawaran sa nangyari.

"Dahil sa magkumpare naman ang dalawa, tinapos na nila sa harap ng barangay ang nangyaring insidente," sabi ni Constantino.

Inayos ni Borre ang away na namagitan sa kanila ng suspek. Subalit hindi nito alam na sa kabila na nagkabati na sila ay may galit pa rin umano si Aspog sa biktima.

Ika-5 ng Oktubre 2005, lasing na lasing umano ang suspek. Bigla umanong ipinakita ni Aspog ang ari nito sa panganay ng biktima na si Jovelyn.

"Kinabukasan nagsumbong si Jovelyn sa ama niya na nag-masturbate daw itong si Aspog sa harap niya. Magmula noon ay hindi na kinausap ni Ramon si Aspog," kuwento ni Constantino.

Gayunpaman hindi na rin umano pinansin pa ni Borre ang suspek. Mas pinili pa rin nitong tumahimik na lang upang hindi na magkaroon pa ng gulo dahil sa pangyayari subalit ang suspek naman ay madalas umanong magpakita ng baril sa mga anak ng biktima.

Dahil na rin sa madalas na wala sa bahay ang biktima ang isa rin sa mga dahilan kung bakit ayaw nitong patulan ang suspek. Nangangamba ito na baka umano balingan nito ang tatlong mga anak nito na puro babae pa.

Ika-26 ng Marso 2006 sa labas ng bahay ng biktima sa Nagpayong Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ng alas-7:00 ng umaga habang nakikipagkuwentuhan ito kay Roderick Castilla na siyang ring nakasaksi sa naganap na insidente.

Hawak-hawak umano noon ni Borre ang kanyang apo kay Jovelyn. Pinapaarawan nito ang sanggol nang dumating ang isang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki na nakasuot umano ng bonnet.

"Lumapit daw ang suspek sa biktima at pagkatapos ay sinabihan nito si Roderick na lumayo para hindi ito madamay. Ilang sandali pa lang ay pinaputukan na ng bala si Ramon", salaysay ni Constantino.

Matapos ang ginawang krimen mabilis na tumakas ang bumaril sa biktima sakay ng motorsiklo habang naghihintay naman ang isa pang suspek na kinilalang si Aspog.

Samantala ang saksing si Roderick ay sumakay ng tricycle at sinundan ang mga suspek. Nakita at nakilala din umano nito ang isa sa dalawang suspek na nagtanggal ng bonnet, si Aspog.

Agad namang dinala sa Pasig General Hospital ang biktima upang malapatan ng lunas ang mga tinamo nitong bala sa katawan. Subalit makalipas ang tatlong oras ay binawian na rin ng buhay ang biktima.

"Bago tuluyang mamatay si Ramon nasabi niya sa kanyang asawa, si Ruserreccion na kapag may masamang nangyari sa kanya na nakilala niya na si Aspog ang kasama ng lalaking bumaril sa kanya," kuwento ni Constantino.

Nagsampa ng kasong murder ang pamilya ng biktima laban kay Abelardo Palanas at sa kasama nitong hindi pa napapangalanan. Hindi naman na nagpakita pa ang suspek sa kanilang lugar.

Dahil sa pangyayaring ito, nakatanggap ng pagbabanta ang testigong si Roderick. Matapos ilibing ang biktima ay nagpasya itong lisanin ang kanilang bahay at lumipat ng panibagong tirahin nito.

Makalipas ang ilang linggo matapos ang nasabing krimen, ika-10 ng Abril 2006 napatay naman si Roderick. Ayon sa naiulat, nag-amok ito dahilan upang pagbabarilin umano ito ng mga pulis ng Sta. Mesa, Maynila.

"Tortured din daw ang nangyari kay Roderick. Nagtataka lang din kami dahil taga-Pasig si Roderick tapos sa Sta. Mesa ito mag-aamok. Bale tatlo silang testigo dito. ‘Yung isa sinalvage habang ‘yung isa naman ay nawala nang parang bula," sabi ni Constantino.

Ayon pa kay Constantino, matapos ang nangyaring krimen may umaaligid sa bahay ng mga Borre kaya hiniling ng mga ito na magtalaga upang bantayan ang mga ito.

Hindi naman dumadalo sa preliminary investigation ang suspek sa kabila ng pagpapadala ng subpoena dito. Lumabas ang resolution at pumabor naman ito sa pamilya ng biktima.

Bihira ang pulis na hahayaan ang nangyari sa kanyang ito. Marami tayong nadidinig na mga kotong cops, abusadong pulis at mga scalawag subalit si Lolo Ramon ay di lang mabait kundi ulirang lolo pa ito. Tinanggap niya ng buong tapang ang mga bala upang hindi madamay ang kanyang apo ng kinoberan niya ng kanyang katawan.

Ikaw naman Abelardo Palanas, matapang ka lang kapag walang laban at ’di armado ang iyong kaharap. Magtatago ka rin pala na parang isang daga sa kanyang lungga subalit hindi mo ito matatakasan habangbuhay.

Para sa anumang impormasyon na makakapagbigay alam sa kinaroroonan ng suspek, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming programang "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si Department of Justice Secretary Raul Gonzalez at ang inyong lingkod Lunes hanggang Biyernes mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon sa DWIZ am band.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments