Komo wala akong nilabas noong nakaraan, dadamihan ko ang isisiwalat ngayon. Heto na po ang mga sumbong ng ating mga kababayan. Karamihan ho ay verified ko sa aking mga sources at hindi ko na ilalabas ang cell phone numbers o e-mail address ng mga nagbigay ng tip dahil baka sila ang gantihan.
Diyan ho sa 9th Ave., Caloocan City, nagkalat ang shabu at alam ng lahat ang bigtime na ito ay si Jon na nag-umpisa ng operation sa 3rd Avenue at nakapag-expand ng operation sa protection ng mga pulis sa pamumuno ni Major.
Sa kahabaan ng Rizal Avenue hanggang sa Carriedo ay walang tigil ang pagpapahirap ng mga "Manilas Finest" sa mga sidewalk vendor. Para silang mga Bombay na nagpapautang ng 5 -6.
Tuluy-tuloy naman ang pasugalan sa Bicutan, Taguig habang pakuya-kuyakoy ang mga pulis kagaya ni PO1 NC.
Mga enforcers ng Land Transportation Office sa Tarlac mahilig naman sa P100 kada sasakyang paparahin nila. Puwersadong magbigay ang mga driver kesa naman bumalik pa sa Tarlac LTO office.
Sa Polangui, Albay naman, araw araw na nag-aabang ng mga sasakyang may dalang kargamento ang mga Traffic Management Group (TMG) at kung anu-ano ang hinihingi. Kung kumpleto ang papeles, kahit P20 payag na. Walang patawad.
Mga coaches ng LRT 1 puro sira ang aircon, sobrang init at baka himatayin ang mga pasahero, lalo na ang mga matatanda. (Nakausap ko ho ang isa sa opisyal nila, nangako ho na hindi matatapos ang taon ay maaayos na ito. Parating na raw ho ang mga bago nilang mga train.)
Walang tigil ang mga katok boys sa rutang Divisoria sa may Reina Regente, lalo na yung sa may Mercury Drug na nag-aalis ng harang para maka-u-turn ang mga sasakyan. Mga pulis at MMDA at MATAPAT, mukhang mga bulag talaga.
Sa ibabaw crossing naman sa Mandaluyong, okay lang gawing terminal ng mga bus basta magbibigay sa MMDA ng P20 kada biyahe.
Kotong din ang problema sa Alabang grand terminal kaya nagbubuhul-buhol lalo ang traffic. Basta may lagay ang MMDA at pulis, okay na pumarada, magsakay at magbaba.
Sa Alfonso, Cavite naman, maganda sana at pinatigil daw ang jueteng, yun pala temporary lang. Balita ko nagpalit lang ng operator na mas malaki ang bigay sa munisipyo. Tatlong beses ang bola.
Mga pulis naman diyan sa Lucena City, medyo pino naman kayong konti. Kahit mga estudyante ay kitang-kita ang lantaran nyong pangongolekta sa mga naka-motorcycle, jeep at tricycle driver. Galing nyong magsilbing halimbawa.
Gumaca, Quezon tatlong beses din ang bola ng jueteng. Tumigil lang sandali ng ibulgar sa media pero balik na rin. Pero bakit nga naman sila titigil, may magagawa ba tayo? Wala silang pakialam dahil bukod sa kumpare at kumare ay kababayan pa ang jueteng lord. Laganap na rin muli ang jueteng sa Matnog, Sorsogon.
Sa Ilocos Sur naman, happy days again para sa jueteng. Hindi ba paborito ni Madam Senyora Donya Gloria ang gobernador diyan. Sabagay, kung nagkaroon na ng comeback ang jueteng, puwede bang mawala sa Vigan. Patatalo ba naman ang favorite governor?
Doon po sa 998 na lumahok sa survey, 588 ang pumili kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson, 244 kay Sen. Alfredo Lim, 72 kay Vice Mayor Danny Lacuna, 44 kay dating Congressman Mark Jimenez, 26 kay Ali Atienza at 24 kay Congressman Rudy Bacani.
Karamihan ho ay hindi nagbigay ng kanilang vice mayor. Sa mga nais pang lumahok, text lang ninyo ang napupusuan ninyo kasama ng inyong pangalan, edad at address. Ilang araw ko pang patatakbuhin ang survey bago tumalakay ng ibang siyudad.
Mga nais namang magpadala ng iba pang mga katiwalian at ehemplo ng mga FOLLOW THE LEADER player ni Madam Senyora Donya Gloria, send lang kayo at sisikapin kong pagbigyan lahat upang makatulong kahit konti laban sa corruption.