Away-pulitika

SI Noel ay konsehal at si Nora ay vice mayor ng isang bayan. Sila ay magkalaban sa pulitika. Minsan, hiniling ni Noel kay Nora na aprubahan ang kanyang aplikasyon na i-monetize ang accrued leave credits nito. Subalit tinanggihan at ipinagwalang-bahala ni Nora ang aplikasyon ni Noel. Kaya galit na pumunta si Noel sa opisina ni Nora at sa harap ng maraming tao ay pinagsalitaan na "nagkukunwari ka lamang malinis at matapat. Katulad ka naman ng isang mansanas na marumi at inuuod na sa loob."

Binato ni Nora si Noel ng bote ng coke subalit ang tinamaan ay ang isa sa mga kapitan ng barangay na nasa loob ng opisina ng mga sandaling iyon. Sa ginawa ni Nora, dinuro siya ni Noel ng dirty finger sa mukha.

Naghain si Nora ng reklamong grave oral defamation at serious slander laban kay Noel sa Municipal Circuit Trial Court (MCTC). Pinaboran naman ng MCTC si Nora at nahatulan si Noel ng 4 na buwan at 1 araw hanggang 1 taon sa bawat kaso. Inatasan din si Noel na magbayad ng P50,000 bilang moral damages, P30,000 para sa litigation at attorney’s fees at P1,000 appearance fees. Sa apela, sinang-ayunan ng Regional Trial Court (RTC) ang desisyon ng MCTC subalit iginawad ang sentensiyang 3 buwan (minimum) hanggang 2 taon at 2 buwan (maximum). Inatasan din ng RTC si Noel na magbayad ng P100,000 moral damages at P50,000 exemplary damages. Sa muling apela sa Court of Appeals (CA), kinumpirma nito ang desisyon ng RTC subalit tinanggal ang gawad na exemplary damages dahil ayon sa CA, si Noel ay biktima lamang ng pagtanggi ni Nora sa kanyang aplikasyon ng walang dahilan. Tama ba ang desisyon at sentensya ng CA?

TAMA
. Si Noel ay nagkasala ng slander at slander by deed subalit ang pagkakamali niya ay hindi grabe. Ang masasakit na salita na binitiwan ni Noel kay Nora ay dala lamang ng galit nito sa kawalan ng aksyon ni Nora sa kanyang aplikasyon. Kung kaya at tama lamang na tinanggal ng CA ang gawad na exemplary damages. Sa katunayan, dapat ding gawin ang sentensiya ni Noel na slight oral defamation na may 1 hanggang 30 araw na pagkakabilanggo o multang P200. Dapat na pagmultahin si Noel ng P200 na may kalakip na subsidiary imprisonment kapag hindi nakabayad.

Bukod dito, ang panduduro sa mukha gamit ang dirty finger ay maituturing lamang na slight slander by deed. Ang pandudurong ito ay nangangahulugan ng salitang "putang ina mo" na itinuturing na pangkaraniwang ginagamit, hindi upang mang-insulto kundi para ilabas lamang ang nararamdamang galit. Ang pagduro ni Noel ay sanhi ng pagwawalang-bahala ni Nora kaya ito ay mapaparusahan lamang ng 1 hanggang 30 araw o multang hindi hihigit sa P200. Si Noel ay dapat lamang na pagmultahin ng P200 na may kalakip na subsidiary imprisonment kapag hindi nakabayad.

Likas na sa trabaho nina Noel at Nora ang hindi pagkakasundo dahil magkalaban sila sa pulitika. Itinuring ng CA na biktima si Noel ng pagwawalambahala ni Nora kaya tama lamang na hindi nito igawad kay Nora ang bayad-pinsala at attorneys fees dahil ito ay may pagkakamali rin (Villanueva vs. People G.R. 160351, April 10, 2006).

Show comments