Maraming ginawang gimik ang mga nakaraang PNP chief para maibangon ang nahuhulog sa kumunoy na imahe ng organisasyon. Kabilang diyan ang mga tinawag na PO1 Matapat, PO1 Malinis, PO1 Magalang at iba pang katawagan sa mga pulis. Subalit wala ring epekto sapagkat patuloy ang pagdami ng mga PO1 Holdaper, PO1 Kotong, PO1 Mayabang, PO1 Dupang, PO1 Ganid at kung anu-ano pang katawagan na lalo pang naglulubog sa mga pulis sa kumunoy ng kasamaan. Ngayon, marami na ang nagkaroon ng tinawag naming "parakphobia" o pagkatakot sa mga pulis. Makita lamang nila ang asul na uniporme ng pulis, kinakabahan na sila.
Si Gen. Calderon ay may bago rin namang gimik para maibangon ang nakalublob sa kumunoy na imahe ng PNP. "Honesty Teams" ang kanyang ipinakakalat ngayon. Layunin ng "Honesty Teams" na masakote ang mga pulis na gumagawa ng masama. Mamanmanan ng ide-deploy niyang "Honesty Teams" ang mga pulis at sinisiguro niya ang mga mahuhuli ay masisibak sa puwesto. Hindi raw mangingimi ang mga idedeploy niyang "Honesty Teams" sa pagdakma sa mga masasamang pulis. Kaya ang babala niya sa mga pulis, huwag hayaang masira ang pagkatao at mapatalsik sa puwesto dahil lamang sa pangongotong, panghuhulidap at iba pang masamang gawain. Uunahing targetin ng "Honesty Teams" ay ang mga traffic enforcers.
Hindi pa natatagalang ilunsad ni Calderon ang "Honesty Teams", anim na MPD policement ang inireklamo ng isang Hapones dahil sa extortion. Hiningan ng anim na "bugok" na pulis ang Hapones ng P500,000. Pinasok siya sa kanyang bahay ng mga pulis at dinala sa MPD HQ sa UN Avenue.
Ngayon makikita kung may kamay na bakal si Calderon laban sa mga pulis na bugok.