Ibinida ni Aguro na bihasa siyang marinero. Dahil nakapag-trabaho na sa mga chemical o LPG tankers sa Japan, mas kuwalipikado raw siya sa oil tankers miski walang COC. Nakita raw ng mga taga-Petron, Caltex at Shell ang kanyang chemical tanker COC, at lahat daw bumilib. Pati amo ni Aguro, si Sunshine Maritime Development Corp. president Constantino Cancio, ganun ang haka-haka. Dahil mas delikado kuno ang chemicals kaysa krudo, mas mataas ang COC ng chemical tankers kaysa oil tankers.
May nauna nang isininghal sina Aguro at Cancio. Nairita sila sa mga tanong kung bakit umuupa pa ang Petron ng taubing single-hull imbis na matatag na double-hull tankers. Anila sa 2008 pa naman ipatutupad ang bagong alituntunin ng MARINA; ganunpaman mali raw ang utos. Balewala raw na nung 2003 pa naka double-hull na ang Shell at ilang mas maliliit ng kompanya ng langis.
Mababatid sa mga salita nina Aguro at Cancio na animoy mataas pa sila sa batas. Sa libro ng MARINA, dapat ang tamang COC para sa tamang barko. Sineseguro dapat ito ng may-ari (Sunshine) at ng charterer (Petron). Pero para kina Aguro at Cancio, mas mahalaga ang sariling opinyon kaysa boses ng awtoridad. Pati ang utos na mag-switch sa double-hull, tinutuya.
Peligroso ang kayabangan nila. Para silang bangag na bus driver na nananagasa ng lahat ng madaanan. Kaya naman, sa paglubog ng Solar-1, dalawa ang nasawi, at winasak ng oil spill ang kalikasan at kabuhayan.
Abangan: Linawin Natin, tuwing Lunes, 11:45 p.m., sa IBC-13.