Dahil sa kakulangan ng paghahanda at kaalaman ng mga opisyal, nataranta sila. Sila-sila ang nagkagulo, nagturuan at nagsisihan. Hindi malaman kung ano ang kani-kanilang responsibilities.
Hindi nila malaman kung sino ang may hawak ng pondo para magamit sa kanilang evacuation activities. Nabuko tuloy na napakarami na pala ang naitatalaga para mag-coordinate sa OFWs. Nariyan ang Department of Foreign Affairs, Department of Labor, OWWA, POEA, Commission on Overseas Filipinos. Ang opisina rin ni Ambassador Cimatu ay may kinalaman dito. Ewan ko kung may pakialam pa rin sa OFWs si Vice President Noli de Castro at First Gentleman Mike Arroyo.
Talagang magkakalituhan kung marami ang nakikialam lalo nat walang maliwanag na definition of functions ang bawat isa. Mahirap talagang magkaroon ng proper coordination kapag ganito ang nangyayari. Nagwala ang Philippine ambassador to Lebanon nang sabihan siyang ipinadala na sa kanya ang perang kinakailangan sa evacuation operation. Hindi niya ito natanggap sapagkat napunta pala sa ibang ahensiya ng gobyerno.
Palagay ko, dapat itatag ni President Arroyo ang isang tanggapang may natatanging otoridad na hindi maaring pakialaman ninuman. Magkaroon na ito ng sariling pondo at organisasyon. Tutal naman, malaki ang ipinapasok na pera ng OFWs.
Walang maidudulot kung masyadong marami ang nakikialam. Iwasan din naman ni President Arroyo na maglagay ng mga tao sa mga posisyong may kinalaman sa OFWs na wala namang karanasan sa trabahong ito.