‘Anong nangyari kay Jonathan?’

ITO BA’Y COMPLEX CRIME NG KIDNAPPING WITH MURDER o isang malinaw na kaso ng murder. Malinaw na ang biktima ay dinampot ng mga pulis, nasa custody ng pulis at nang maitalaga sa police blotter, siya ay pinakawalan diumano subalit kinabukasan natagpuan ng patay.

Lumang tugtugin na yan. Upang ma-protektahan ang mga pulis, inilalagay nila sa blotter na pinalaya na ang kanilang target subalit ang katotohanan ang plano nila ay ibiyahe ang kanilang target. Ganito ba ang nangyari sa kasong ito?

Nagsadya sa aming tanggapan si Teresa Diasanta ng Mandaluyong City upang humingi ng tulong hinggil sa pagkakabinbin ng kasong isinampa nito.

Laki sa probinsiya ang biktimang si Jonathan. Nagbabakasyon lamang umano ito sa kanyang ina kapag ito’y may pagkakataon. Mayo 2004 nang umuwi si Teresa sa kanilang probinsiya ay sumama naman ang kanyang anak at nagpasya na dito na lamang mamalagi.

Madali naman para kay Jonathan ang pamamalagi niya sa kanyang ina sapagkat marami naman siyang naging kaibigan magmula noong nagbabakasyon pa lamang siya dito.

Ika-22 ng Hulyo 2005 bandang alas-7 ng gabi sa Starmall, Crossing, Mandaluyong City naka-istambay umano ang biktima kasama ang kaibigan nitong Denmark Magan. Hinuli umano ng isang pulis, si PO1 Francisco Castillo si Jonathan sa hindi malamang dahilan. Bigla na lamang umano silang dinampot nito at isinakay sa isang mobile unit.

Dinala umano sina Jonathan at Denmark sa may munisipyo ng Mandaluyong at sa harap nito huminto ang sinasakyan nila. Pagkatapos ay inutusan umano si Denmark ng pulis na puntahan ang ina ni Jonathan upang manghingi ng P1,500.00 para makawala ito.

"Pinuntahan ako ni Denmark at sinabi sa akin ang pangyayari. Wala naman akong mabigay na pera kaya ipagpapabukas ko na lang sana ang pagpunta sa anak ko," kuwento ni Teresa.

Bumalik si Denmark sa himpilan ng pulisya subalit wala itong dalang pera. Nakiusap pa umano ito sa mga pulis na kakausapin niya ang kanyang kaibigan at pinayagan naman siya nito.

Naabutan ni Denmark na nakaupo sa sopa ang kaibigan. Sinabi nito na walang perang maibibigay ang kanyang ina. Sumagot pa umano ito ng okey lang.

Kinabukasan ay pinapunta umano ni Teresa si Daisy sa kulungan upang maghatid ng pagkain para kay Jonathan. Subalit pagdating ni Daisy ay wala na roon ang kanyang kapatid at nakalabas na umano ito noong ika-23 ng Hulyo ng ala-1 ng madaling-araw. Samantala labis namang nag-alala si Teresa sa kalagayan ni Jonathan sapagkat hindi pa umano umuuwi ito ng bahay.

Agad itong nagpunta sa himpilan ng pulisya upang ipagtanong ang kanyang anak at doon naman nila nalaman na si PO1 Francisco Castillo ang humuli sa kanyang anak.

Nalaman ni Teresa na kinasuhan ng snatching ang kanyang anak noong gabing dinampot ito ng mga pulis.

Samantala hindi naman malaman ni Teresa ang kanyang gagawing paghahanap sa nawawalang anak hanggang nabalitaan na lamang nitong natagpuang bangkay na ang kanyang anak sa Sitio Banglad, Floodway Ext., Brgy. San Juan, Taytay, Rizal na may tama na ng bala ito noong ika-23 ng Hulyo bandang alas-5:35 ng madaling-araw.

"Si Annabel Acebuche naman ang nakakita nang ilabas ng mga pulis ang anak ko noong araw na dinampot nila ito," sabi ni Teresa.

Si Annabel, sinasabing tagalinis sa loob ng CID ng Mandaluyong Police Station Station. Nagbigay umano ito ng pahayag hinggil sa pagkakakita niya nang ilabas ng mga suspek si Jonathan sa himpilan ng pulisya.

Nakaposas pa umano ang biktima nang ilabas ng mga pulis ito at isinakay sa mobile patrol. Kasama ni PO1 Castillo noon ay sina PO1 Jocelyn Samson, P/Insp. Amor Cerillo at isang alyas Laine.

"Bandang alas-3 ng madaling-araw naman ng bumalik ang mga suspek sa station kaya sila lamang ang maaari kong paghinalaan sa pagkawala at pagkamatay ng anak ko," pahayag ni Teresa.

Nagsampa ng kaso ang pamilya ni Jonathan laban sa mga suspek na si PO1 Francisco Castillo, P/Insp. Amor Cerillo, PO1 Jocelyn Samson at isang alyas Laine. Subalit hanggang ngayon ay wala pa ring resolution ang kasong ito na ang may hawak ay si Prosecutor Ismael Duldulao ng Mandaluyong Prosecution Office.

Umaasa ang pamilya ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Jonathan at pagbayaran ng mga responsableng nakapatay sa kanyang anak ang krimeng kanilang ginawa.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

NAIS KONG ipaalala sa inyo na ang "Hustisya Para sa Lahat" ay madidinig na araw-araw sa DWIZ, 882KHZ sa am band. Alas tres hanggang alas kwatro ng hapon Lunes hanggang Biernes at tuwing Sabado naman alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments