Pribado ang tanker, at inupahan lang ng Petron na 45% pag-aari ng Saudi Aramco, 45% ng gobyerno ng Pilipinas, at 10% ng publiko. Pero ang tanong: Bakit ang Petron, na pinakamalaking refiner ng langis sa bansa, ay umuupa ng tanker na single hull imbis na double hull? Matagal nang may alituntunin ang gobyerno na dapat double hull ang tankers para hindi lubugin kaya bakit kumontrata ang mala-gobyernong Petron ng taliwas? Alam na natin ang sagot, siyempre. Dahil yan sa katiwalian. Kung sino man ang taga-upa ng mga barko sa Petron, malamang sinuhulan ng may-ari para balatuhan ng negosyo.
Huwag ding magmalinis ang Coast Guard. Tung- kulin nila ipatupad ang batas sa karagatan. Kaya ang tanong: Paano nakabiyahe ang tanker sa kalagitnaan ng bagyo, bagay na ikinalubog nito sa malaking alon? Alam din natin ang sagot dito. Katiwalian din ang sanhi. Malamang dati nang nagbubulag-bulagan ang Coast Guard sa violations ng may-ari ng tanker, dahil din sa suhol. Abay kamakailan lamang ay may lumubog ding tanker sa Semirara dahil pumarada sa gilid ng bahura na bawal gawin pero pinalulusot ng Coast Guard.
Katiwalian ang wumawasak sa ating kapaligiran at kalusugan. Hindi lang dumi sa dagat ang idinulot ng Guimaras oil spill, kundi pati laman-dagat na sanhi ng pagkain, may mangingisda na ngang namatay sa fumes ng oil spill.
Katiwalian ang ugat ng pagkalbo sa kabundukan - na nagbubunsod ng landslide. Libu-libong tao ang nasawi nung 2004 sa Real, Infanta at Nakar (Quezon) dahil sa pagpayag ng mga suhulang opisyales na putulin ang mga puno sa tabi ng bangin. Katiwalian din ang sanhi kaya nakalusot ang Lafayette Mining sa polusyon sa Bicol.