Araw ng Kagitingan

MARAMI na akong naisulat tungkol kina Rizal, Bonifacio, Mabini at iba pang magigiting na bayaning lahi. Ngayong Araw ng Kagitingan, ang ilalahad ko naman ay ang ilang mahahalagang tala tungkol sa ilang magigiting na Pilipino.

Si Gabriela Silang ang tinaguriang Joan of Arc ng Ilocandia. Siya ang kauna-unahang Pilipina na nagrebelde laban sa mga Kastila. Nang patraydor na patayin ang asawa niyang si Diego Silang ng kaibigan nitong si Miguel Vicos noong 1763, ipinagpatuloy ni Gabriela ang pakikipaglaban subalit nadakip siya at ibinitin hanggang mamatay sa plasa ng Vigan noong Setyembre 20, 1763.

Si Francisco Dagohoy ang cabeza de barangay ng Bohol, ang namuno sa pinakamatagal at pinakamahabang rebelyon sa Pilipinas (1744-1828) laban sa mga Kastila. Nagrebelde si Dagohoy at mga kasamahan niya nang hindi bendisyunan ng prayleng si Gaspar Morales ang libing ng kanyang kapatid.

Si President Manuel Luis Quezon ang tinaguriang "Ama ng Wikang Pambansa" ay isinilang noong Agosto 19, 1878 sa Baler, Tayabas ngayon ay Quezon. Nahalal siyang pangulo ng Commonwealth. Namatay siya noong 1944 sa Saranac Lake, New York sa sakit na TB.

Ang pangalan ni dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. ay kilalang-kilala. Isinilang siya sa Concepcion Tarlac noong Nob. 27, 1932. Pumasok siya sa pulitika sa edad na 22. Nang magdeklara ng martial law si dating President Marcos ipinakulong niya si Ninoy. Noong 1980 pinayagan siyang pumunta sa Amerika para magpagamot ng kanyang sakit sa puso. Bumalik siya sa Pilipinas noong Agosto 21, 1983 subalit pinaslang siya habang nasa Manila International Airport. Maybahay niya si Corazon Aquino na kauna-unahang babaeng presidente ng Pilipinas.

Show comments