May mga kaganapan kamakailan na nagpapa-dalawang-isip sa pag-abuloy sa Simbahan. Nariyan, halimbawa, ang pag-amin ni Magdalo rebel Lt. Lawrence San Juan na sa bahay ni Bishop Antonio Tobias sa Fairview, Quezon City, siya nagtago nang isang buwan, bitbit ang tatlong rifles. Si Tobias din ang umaming umupa ng bahay sa Filinvest Subd. kung saan nagpupulong ang mga Magdalo at komunista para bombahin ang Batasan. Perang Simbahan ang ginamit ni Tobias. Walang pakialam ang marami kung pro- o anti-administration siya. Ang ipinagtataka nila, itinatago ni Tobias ang isang takas sa preso at sumusuporta sa marahas na layunin.
May tatlong obisponng Katoliko rin ang pumirma sa impeachment case kay President Arroyo. Karapatan nila yon bilang mamamayan, anang iba pang obispo. Pagpalagay na, pero ang impeachment ay larong politika, kaya nagsususpetsa ang madla kung ginagasta ang abuloy nila sa away ng mga malalaking politiko.
Nakumpirma nga ang ganung pagwaldas sa perang Simbahan nang umamin ang One Voice na pinopondohan sila ng Bishop-Businessmens Conference. Maaalalang binisto ni Rep. Rodolfo Antonino ang P252-milyong pondo ng One Voice para siraan ang Charter change ng maralita. Inusisa rin niya kung nagbayad ng 15% donors tax ang One Voice. Hayan, lumalabas na ginagamit ang pera ng mga nag-abuloy sa Simbahan upang labanan ang 10 milyong maliliit na taong pumirma para sa pagbabago. Kumbaga, piniprito sila sa sariling mantika.