Kasabay ng insidenteng ito ay narinig din ni Nita ang putok ng baril na sinundan ng isang sigaw na "Tulungan mo ako Pare, binaril ako ni kapitan." Madaling binuksan ni Nita ang pinto ng kanilang kusina at doon niya nakita ang dati nilang kapitan na si Tino, hawak ang isang mahabang baril na tila M-14 at tumatakbo patungo sa bahay ni Lando. Samantala, nang makalabas na ng bahay si Nita, nakita nito ang kanyang asawa. Sinubukang magsalita ni Emong subalit puno na ng dugo ang kanyang bibig. Dahil sa kaawa-awang sinapit ng asawa ni Nita, napasigaw na lamang ito ng "Kapitan, ngano nimo gipatay ang akong bana!"
Makalipas ang apat na oras ay inaresto na si Tino bilang pangunahing suspek. Kinasuhan si Tino ng homicide. Itinanggi ito ni Tino at itinuro si Lando na bumaril kay Emong. Ayon kay Tino, tulog daw siya nang oras na yun at nagising na lamang sa lakas ng putok. Agad daw siyang pumunta sa lugar upang tumulong subalit nakita raw niya si Nita na galit na galit sa kanya. Bukod pa ang negatibong resulta ng powder burns sa naisagawang paraffin tests sa kanya.
Gayunpaman, nahatulan si Tino ng Mababang Hukuman, basehan ang testimonya ni Lando mula sa huling deklarasyon ni Emong habang ito ay naghihingalo pati na ang positibong pagtukoy sa kanya ni Nita. Kinumpirma ito ng Court of Appeals (CA). Kinuwestiyon ni Tino ang desisyon lalo na ang deklarasyon ni Emong matapos mabaril, bilang deklarasyon ng isang naghihingalo. Tama ba si Tino?
MALI. Malinaw na tinukoy at pinatotohanan nina Lando at Nita ang apela ni Emong na "Tulungan mo ako Pare, binaril ako ni kapitan." Ang huling mga salita ng isang biktima na tumutukoy sa sumalakay sa kanila, lalo na sa bingit ng kamatayan, ay binibigyan ng pinakamataas na paniwala at respeto. Ang nalalapit nilang kamatayan ay nag-uudyok sa kanilang sabihin ang katotohanan at iwasan ang maling pagbibintang sa taong sumalakay sa kanila.
Ang deklarasyon ng isang naghihingalo ay pahayag ng isang taong nababatid na siya ay nasa bingit ng kamatayan na maaring tanggap ng ebidensya o patibay ng sanhi at mga pangyayari ng kanyang kamatayan sa isang paksang nililitis. Ang biktima sa kanyang deklarasyon habang naghihingalo ay maituturing na kapani-paniwalang testigo. Kaya, ang pagpapatotoo nina Nita at Lando sa mga salitang nasambit ni Emong ay matatanggap na ebidensya at hindisabi-sabi lamang (Marturillas vs. People, G.R. 163217, April 18, 2006).