Tree-planting ng DENR sa Agosto 25

MGA politikong grandstanders, makinig! Imbes na galit at sama ng loob ang itinatanim ninyo sa taumbayan, magtanim kayo ng punong kahoy at samahan ang Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) sa nationwide tree planting program bukas Agosto 25. Sana seryosohan ito porke kailangan natin ang mga puno para ma-preserba ang ating nasisirang kapaligiran.

Target ng DENR na makapagtanim ng 50-milyong punongkahoy sa ilalim ng Green Philippine Highways Program. Sabay-sabay ang gagawing nationwide tree-planting sa nasabing araw at mangunguna si Sec. Angelo Reyes dito.

Kikilos ang may 22,000 tauhan ng DENR at dala- wang milyong volunteers. Tatamnan ang mga gilid at sentro ng mga pangunahing lansangan mula Laoag, sa Norte at Davao sa katimugan. Ganda! Pinakamalaking tree-planting ito na isasagawa sa bansa. Inaasahang kalahating milyong punla ang maitatanim sa isang araw na gawain na dito’y magbabalikatan ang pamahalaan at pribadong sektor.

Dapat marahil magtalaga ng magbabantay at magmamantini sa mga punlang ito para tiyaking mabubuhay lahat at maging ganap na punong-kahoy sa malapit na hinaharap. Batid naman natin ang malaking naitutulong ng mga puno sa paglilinis ng hanging nilalanghap natin. Pero dahil sa mga gahamang magto-troso, nauubos ang supply natin ng puno kaya nagluluha ang problema sa air pollution.

Hindi lang malubha kundi napakalubha
ng problema sa air pollution sa bansa na sinamahan pa ng disaster sa Camiguin na kinaganapan ng pinakamalaking oil spill sa kasaysayan ng Pinas kamakailan.

Ani Reyes, ang Pinas ay pumapangalawa sa mga bansa sa ASEAN na malala ang polusyon, kasunod ng Indonesia. Kasama sa mga tagasuporta ng programa ang ABS-CBN at GMA TV networks at iba pang mga pribadong organisasyon. Pawis lang siguro ang puhunan ng gobyerno dahil ang mga pribadong sektor ay nag-ambag ng tulong pinansyal sa ikapagtatagumpay nito. Wala ni kusing na magbubuhat sa kaban ng pamahalaan. Very good.

Congrats kay Sec. Reyes sa programang ito at nawa’y magtagumpay dahil kung hindi man tayo, higit na makikinabang diyan ay ang future generation na-ting mga Pilipino.

Email me at alpedroche@philstar.net.ph

Show comments