Kapabayaan ng Ospital ng Muntinlupa huwag palampasin

TINIYAK ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi at ng Muntinlupa City Health Office na iimbestigahan ang napabalitang kapabayaan ng Ospital ng Muntinlupa na naging dahilan ng maagang kamatayan ng isang 13-anyos na batang babaeng si Aenesis Kharece B. Tibudan. Sana’y apurahin ni Mayor ang aksyon sa kaso para malapatan ng karampatang parusa ang mga dapat managot. May magandang reputasyon si Mayor. Batid kong hindi niya pababayaang madungisan ang lungsod na kanyang pinamumunuan. Ang batang biktima ay anak ni Pastor Renan Tibudan na ang sulat ay buo nating inilathala sa sister newspaper nating PM (Pang-Masa) noong Agosto 16 (Miyerkules).

Nabulabog ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa dahil sa nalathalang ito sa ating pahayagan kaya agad nangakong sisiyasatin ang insidente. Patuloy nating ipa-follow-up ang kaso dahil lehitimo ang reklamo at posibleng hindi lang isang tao ang magiging biktima kundi marami pa sa hinaharap. Iyan ay kung hindi marereporma ang pagamutan. Posible ring may iba pang biktima ng kapabayaan na hindi na lang lumantad kaya nananawagan si Pastor Tibudan sa mga ito na makipag-ugnay sa kanya at magtulungan sa paghanap ng katarungan. Hindi dapat palampasin ito. Hindi natin layuning manira kundi gusto lang nating maituwid ang mali dahil buhay ng maraming tao ang nakataya. Mas malaking kasalanan sa Diyos ang magbulagbulagan sa mga lantad na katiwaliang ating nakikita.

Hinihinalang Evan’s syndrome ang sakit ng yumaong bata na nangailangan ng maagap na pagsasalin ng dugo dahil mabilis na bumababa ang platelets at red cells ng pasyente. Hindi na natin ilalathala muli ang sulat. Yung mga interesadong malaman ang detalye, hanapin ang PM isyu noong Abril 16. Simple lang ang punto ng sulat: Kapabayaan na kung hindi nangyari’y buhay pa sana ang bata. Hindi natin masisisi ang magulang ng biktima kung pagdimlan ng isip. May katuwiran siyang magalit at humingi ng katarungan sa sinapit ng kanyang nag-iisang anak.

Nang mahalata ng mag-asawang Tibudan ang pagpapabaya ng pagamutan, nagpasya silang lumipat ng ospital. Pero pinaghintay pa sila nang humigit kumulang sa tatlong oras diumano bago mai-discharge ang pasyente gayung alam nilang nag-seizure na ito. Hindi na nakuhang makalabas ng pagamutan ng buhay ang bata. Nagkakaroon ng napakapangit na reputasyon ang mga pagamutan ng pamahalaan dahil sa ganyang mga kaso.

Kay Mayor Fresnedi at sa iba pang opisyal ng lungsod lalo na sa city health office, pagtulungan natin ito. Alam kong hindi palalampasin ni Mayor Fresnedi ang ano mang bagay na makadudungis sa kanyang lungsod. Kung may mga development sa pag-aksyon ninyo Mayor, puwede po kayong makipag-ugnayan sa pahayagang ito nang mailathala natin ang inyong course of action. Dun naman sa mga nais makipag-ugnayan kay Pastor Tibudan at kanyang kabiyak, heto ang kanilang address at mga telepono:

Pastor Renan E. Tibudan at Juvy B. Tibudan, 38 Saint Francis Street, JPA Subd., Tunasan Muntinlupa City. 7739070 / 0917 2786933

Show comments