Kahanga-hangang paglilingkod

SA panonood ko ng balita sa TV, ako’y namamangha sa mga taong nagbabalita na hindi alintana ang panganib na kanilang sinusuong.

Magandang ituon ang ating pansin sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na naglilingkod upang ihatid sa atin ang mga nangyayari roon. Hindi ko sila mababanggit lahat, subalit ang nakatawag-pansin sa akin ay ang pag-uulat ng nag-iisang Pilipino sa Middle East na si Danny Buenafe ng ABS-CBN.

Hindi ko kilala si Buenafe, ngunit sa pagsubaybay ko ng pagbabalita niya sa TV sa mga kaganapan sa Middle East, hindi maikakaila ang sakripisyong kanyang ginagawa para makapaghatid ng mga balita. Ang anggulo ng kanyang mga balita ay tunay na kapaki-pakinabang at malinaw. Kahanga-hanga rin ang kanyang cameraman na tumututok sa mga nagaganap na pangyayari. Isa rin sa mga nagsasakripisyo ay si Amb. Roy Cimatu at kanyang grupo na nangasiwa sa paglilikas ng OFWs mula sa Beirut.

Ngayong may tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, mas kailangan ang mga pagbabalita tungkol dito. Naipatutupad ba o hindi ang ceasefire at ano pa ang mga nagaganap sa OFWs na nagsilikas sa Beirut. Kailangang maibalita ang mga kaganapan ukol sa OFWs at higit sa lahat, ang balita na may kaugnayan sa United Nations.

Sa mga tulad nina Buenafe at Cimatu na kahanga-hangang naglilingkod sa bansa, saludo ako sa inyo! Dumami sana ang mga tulad ninyo na walang sawang ginagampanan ang tungkulin. Pagpalain kayo ng Panginoon.

Show comments