Tinitira sila ng elitista. Kesyo bobot bayaran daw sila: lumagda nang hindi naiintindihan ang usapin dahil pinakain nang konting pansit. Miski 10 milyon sila, wala raw silang boses kumpara sa 80 kasapi ng elitistang One Voice ni Christian Monsod.
Kesyo ilegal daw ang ginawa nilang pagpirma. Dineklara raw kasi ng Korte Suprema nung 1997 na yung Peoples Initiative Law ay kulang sa detalye kayat hindi puwede gamiting pang-amyenda sa Konstitusyon. Tulad nang sa mga ibang isyu, may posibilidad na baguhin ng Korte ang sarili, pero ngayon pa lang sinisinghal ng One Voice na hindi yon maari.
Tatlong paraan ang pagbago ng Charter: Constitutional convention ng mga halal na delegadong galing sa uring politiko; constituent assembly ng mga nakaupo nang pulitiko, at inisyatiba ng mamamayan. Ang huli ang pinaka-mataas na paggamit sa demokrasya dahil masa na mismo ang kumikilos. At sa peoples initiative na ngang ito, 10 milyon ang pumirma kumpara sa tig-1 milyon lang na dumalo sa EDSA-1 at EDSA-2.
Simple lang ang hinihingi ng initiative: Pag-usapan at pagbotohan ang pagbago sa parliamentary. Hindi nila ito ipinipilit, kundi inilalahad para i-plebisito. Hindi kaya sila pagbibigyan ng Korte o ng elitista?
Nakakatakot isipin kung ano ang mangyayari kapag hindi dinggin ang hangad ng 10 milyon. Hindi ko sila inaasahang manggugulo. Ayaw ng Pilipino sa karahasan. Ang pinangangamba ko ay kung bastusin ang 10 milyon, magiging ugali sa future na lagi pang bastusin ang masa. Dati nang binusabos ang masa, palalalain pa!