^

PSN Opinyon

Patuloy na pagyurak sa hustisya!

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
PALAKI nang palaki ang numero ng mga taga-media ang napapatay samantalang dumarami rin ang bilang ng mga kinakasuhan ng libelo at iba pang uri ng harassment kahit na pawang katotohanan lamang ang sinusulat nila.

Maliban sa huling napaslang diyan sa Northern Metro Manila ay wala pang nahuhuli man lang na mga killers. Of course, sabi ni Madam Senyora Donya Gloria na habulin daw ang mga killers pero gaya ng kanyang SANA puro pangako itong nilista sa maruming tubig ng Malacañang sa Pasig.

Samantala patuloy din ang harassment gaya ng ginawa nila kay Ka Lito Banayo na columnist sa dalawang pahayagan. Gaya ko, si Ka Lito ay walang tigil sa pagisisiwalat sa mga kababalaghan at mysteryo na patuloy sa bumabalot sa isang pekeng administrasyon.

Dahil diyan, katakut-takot na kaso ang sinampa laban sa kanya at dahil sa napaka-"effective na hustisya" sa ating bansa ay nilabas ang warrant of arrest laban sa kanya noong nakaraang Holy Week.

Buti na lamang wala siya sa bansa noong panahon na ‘yon pero pagdating na pagdating niya ay tuloy siya sa Korte upang magpiyansa.

Mula sa piskalya ay pinadala ang kaso sa opisina ni Judge Vergara noong March 28 ng kasalukuyang taon at sa mismong araw ding yun ay nilagdaan ang anim na warrant. Wow, super bilis at super effective. Kakaiba talaga.

Anyway, tinakda ang pre trial noong July 3 kung saan nagplead ng not guilty si Ka Lito at tinakda ang pre trial noong August 7.

Laking gulat nina Ka Lito kay Judge Concepcion Alarcon—Vergara na sa hindi maintindihang dahilan ay ginawang closed door ang hearing pero pinayagan sa loob ng kanyang kaharian este court room ang anim na matataas na pulis sa pangunguna ni Western Police District Chief Pedro Bulaong. Ang mga nasa loob lamang ho ay siyempre si Judge, stenographers at iba pang court official, si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo, abogado nito, ang anim na pulis officials at siyempre ang Presidential Security Group na titiyaking ligtas siya laban kay Banayo at abogado niyang si Atty. Jayjay.

Siyanga pala, yon ang araw kung saan magte-testify si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo na tinukoy ni Ka Lito na may dalang Big Black Bag as in MAHIWAGANG BAG.

Pinagpipilitan ni Judge Vergara na speedy trial daw ang kailangan dahil busy daw si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at nais niya raw tapusin agad ito. Mula sa pre-trial, set agad ang date sa trial proper sa susunod na araw. Sobrang sipag naman ni Judge. Naisip ko lang kung ganoon kaya ang gawin niya kung sakaling si Juan dela Cruz lamang ang nag-aakusa ng pananampal sa kanya ng isang opisyal ng pulis o kaya gobyerno?

Anyway, ang abogado ni Ka Lito ay nag-file ng motion to inhibit laban kay Judge Vergara na sinumite bago ang hearing noong Martes pero kesa pumayag o pag-aralan man lamang ito ito for delikadesa purposes, tumanggi ito na naging dahilang upang mag-walk out si Atty. Jayjay Mendoza.

Pero bago yan, closed door din ang naturang hearing at piling-pili muli ang pinapapasok, muntik pa ngang maging comedy dahil ultimo si Banayo ay ayaw papasukin. Kakaiba talaga. Only in the Philippines.

Pinilit siyang bigyan ng isang abogadong walang alam sa kaso niya at tinuloy ang hearing kahit na tumanggi siya at sinabi niya in open court na wala na siyang tiwala sa pagiging fair ni Judge Vergara.

Ora-oradang inutusan ni Vergara at pati ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo na gawin ang cross examination na lubos na malabo dahil ni hindi man lang nababasa ng "court appointed lawyer" ang anumang detalye tungkol sa kaso.

Siyanga pala, nang aking malaman na tinuloy ang hearing ay humabol ako upang pagmasdan ang "speedy trial" pero laking gulat ko dahil nagkalat ang mga bomb disposal unit, anti-bomb sniffing dog at iba pang mga special units sa labas ng court room kasama ng mga PSG.

Nang tinangka kong pumasok, tinulak ako ng isang PSG at sinabing bawal daw. Wala ngang media at again mga sikat lamang ang pinayagan sa loob. Ako na ho ang nakakita mismo ng kakaibang kilos ng nasabing Korte.

Walang nagawa si Ka Lito at nagtakda naman ang "super effective" na Judge ng hearing sa susunod na buwan. In the meantime, asahan nating mag-file ng certiorari ang kampo ni Ka Lito upang ilipat sa ibang huwes ang kaso.

Ganoon ba talaga rito sa atin at super-super effective ang Korte kung pabor kay Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo o di kaya’y kay Madam Senyora Donya Gloria o kaya’y mga galamay nila.

Super bagal sa paghuli kay Jocjoc Bolante na Immigration official pa ng US ang humuli. Pinayagan ding magliwaliw si Presidential Phone Pal Virgilio "Garci" Garcillano at binuko lamang ng Singapore samantalang si Rep. Satur Ocampo ay ayaw payagan lumabas dahil baka magkuwento.

Kaso ni Hernando Perez na dating Justice Secretary ni Madam Senyora Donya Gloria at favorite sa mga unang Cabinet secretaries ay nakabinbin din at ganundin ang mga kaso laban sa Comelec officials sa pamumuno ni Ben Abalos.

Pero super bilis na sarhan ang impeachment case o di kaya’y idismiss ang fertilizer fund scam, Hello Garci phone call, Diosdado Macapagal Highway, bailey bridges at iba pang scam na magbubulgar ng katotohanan.

Super bilis na harassment ng katotohanan at super bilis na pagresolba at pagpatay ng kasong maglalahad ng katotohanan tungkol sa kasinungalingan, pandaraya at pagnanakaw pero super bagal pag kakampi, kaalyado, kakutsaba o katsokaran nila o sila mismo.

Kakaiba talaga. Nasaan na kaya ang hustisya? Kaya hindi ako magtataka kung may maglalagay ng batas sa sariling kamay. Nakakatakot lamang at nakalikilabot pero sino ba ang may kasalanan kundi ang YUMURAK SA HUSTISYA!
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09272654341.

vuukle comment

JUDGE

JUDGE VERGARA

KA LITO

KAKAIBA

MADAM SENYORA DONYA GLORIA

PERO

SIR SENYOR DON JOSE MIGUEL ARROYO

SUPER

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with