Ang dapat unahin

Sa maraming paksa na dito’y nabasa
ang reaksiyong ito ay medyo huli na;
Bagaman at huli’y di naman bilasa
babasahin pa rin ng mahal kong madla!

Kaya naatraso’y tinimbang-timbang ko
saan ipapalo hawak na latigo?
Ito ba’y sa OWWA na nagtatrabaho
o sa mabubunying tao sa Senado?

Matagal-tagal nang sumiklab ang digma
doon sa Middle East at tayo’y nabigla;
Mga Pilipinong doo’y manggagawa
dapat lang iuwi sa sariling bansa!

Gobyerno’y kumilos at ang evacuation
kahit mapanganib hindi umuurong;
Ngunit sa Senado’y may mga marunong
at pera ng OWWA ang itinatanong!

Tanong na nang tanong hindi alintana
ang mga evacuees na nagsisiluha;
Ang bagsak ng missile saan man tumama
natatakot silang buhay ay mawala!

Kaya sa Lebanon na ngayo’y magulo
inililikas na libong Pilipino;
Pero bakit kaya sa ating Senado
ay iba ang pakay ng iisang tao!

Kung nawawala nga ang pera ng OWWA
saka na hanapin kung wala nang g’yera;
Ang maghanap ngayo’y nakapagtataka
kahit na nga paslit ay tatawanan ka!

Kunwa’y nagtatanong mga mambabatas
hindi nila pansin bombang pumapatak;
Kung ang missile kaya’y sa inyo bumagsak
sino’ng magtatanong -— eh wala nang lahat!

Kaya panawagan sa ating Senado
itong sitwasyo’y unawain ninyo;
Huwag munang hanapin pera ng gobyerno
unahing iligtas ang buhay ng tao!

Show comments