Mga kaparaanan at layunin

May mga naniniwala na binibigyang katuwiran ng layunin ang mga paraang ginagamit. Sa ganitong paniniwala, kung ninanais ng tao ang kapayapaan, hindi baleng puksain ang kaaway makamtan lang ang kapayapaan. Hindi ganito ang pinaniniwalaan ng mga taong nananalig sa prinsipyo ng Alay-Dangal o Active Non-Violence.

Sa prinsipyo ng Alay-Dangal, kailangang magkatugma ang mga layunin at kaparaanan. Kung nais ng tao ng kapayapaan, dapat ang kanyang mga kaparaanan upang makamit ang kanyang layunin ay dapat mapayapa rin. At lahat ng mga pangunahin at kinikilalang mga relihiyon sa buong mundo ay may ganitong paniniwala. Subalit may mga mananampalataya na hindi isinasabuhay ang ganitong prinsipyo. Para sa iba, di-baleng pumatay, gumanti, magwasak ng mga buhay at kabuhayan ng tao upang makamit ang kanilang mga layunin.

Para sa ating mga Kristiyano, sa Ikalawang Pagbasa ng Ika-19 na Linggo ng Ordinaryong Panahon sa ating liturhiya ngayon, tayo ay pinaaalalahanan ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso (4:30-5:2):

"Huwag ninyong dulutan ng pighati ang Espiritu Santo, sapagkat ito ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan ng inyong katubusan pagdating ng takdang panahon. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus.

"Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Jesus; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain sa Diyos."


Mainam na pagnilayan natin ang mga bagay na ito, nang sa ganoon maunawaan natin ang mga kakila-kilabot na mga bagay at sitwasyon sa ating pamilya, pamayanan, bansa at sa buong mundo. At sa ating pagkaunawa, mabigyan tayo ng lakas ng loob na umaksyon ng nararapat.

Show comments