Isa sa dahilan ng pamamaos ay ang acute laryngitis na dulot nang hindi gumaling-galing na sipon. Nakukuha rin ang pamamaos sa pagsisigaw lalo na kapag may kampeonato sa basketball at maging sa mga rock concerts.
Ang pamamalat at tuluyang pagkawala ng boses ay madalas na mararanasan ng mga radio-TV announcers at mga singers ayon kay Dr. Gil Vicente ng St. Lukes Medical Center. Si Dr. Vicente ay laryngologist na espesyalista sa medical and surgical treatment ng tenga, ilong, lalamunan at maging sa mga suliranin sa ulo at leeg.
Payo ni Dr. Vicente na iwasan ang paninigarilyo para mapanatili ang boses. Payo rin naman niya sa mga non-smokers na lumayo sa mga naninigarilyo dahil mapanganib na malanghap nila ang usok ng sigarilyo. Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak at kape at ang mga mamantika at makolesterol na pagkain. Hanggat maaari, ayon kay Dr. Vicente na iwasan ang sobrang pagsasalita lalo na ang pagsigaw at pagtaas ng boses.