Panawagan

ISANG buwan na ang nakararaan mula nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Hezbollah at Israel, na nagdulot ng matinding krisis sa Middle East. Sangkot ang Lebanon, Israel at Palestine at marami ang nangangamba na mapapadawit pa ang ibang mga bansa gaya ng Syria, Saudi Arabia, Iran at Iraq.

Ang iba’t ibang gobyerno ng mga bansa sa mundo, kasama na ang Pilipinas, ay nananawagan sa tigil-putukan. Ganoon din ang panawagan ng iba’t ibang pandaigdigang pribadong mga samahan na umaapila na itigil ang labanan. Ilan sa mga grupong ito ay ang Nonviolent Peaceforce, Amnesty International at United Religions Initiative.

Ang Nonviolent Peaceforce ay nagsasagawa ng mga pagvi-vigil, pananalangin (tuwing 2:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon, araw-araw, mula pa noong Agosto 2, sa harapan ng State Department ng United States at tuwing Sabado sa harapan ng White House) at pag-aayuno sa iba’t ibang panig ng US. Ang kanilang motto: Ihinto ang patayan, simulan ang usapan. At nakisama at nakiayon din sa panawagan ang Amnesty International. Ang United Religions Initiative naman ay nanawagan sa pagtataguyod ng isang pandaigdigang pag-aayuno.

Ang krisis sa Gitnang Silangan ay may mahabang kasaysayan. Ganoon din sa Sri Lanka. Ngunit ganoon pa man, hindi maikakaila ang libu-libong mga tao – bata, matanda, babae’t lalaki – ang nangamamatay dahil sa gantihan, paninisi sa isa’t isa at sa paggiit ng sari-sariling kadahilanan upang gumamit ng karahasan.

Sa sitwasyon ng krisis, walang mas mabisang paraan kundi ang pairalin ang katahimikan, mag-usap ang mga panig na may sigalot sa isa’t isa at daanin ang anumang sigalot sa mga mapayapang paraan.

Dapat nating alalahanin na sa digmaan walang nananalo. Ang lahat ay talunan, pagkat marami ang namamatay; ang mga kabahayan, imprastraktura, kabuhayan, kalakaran ng lipunan ay nangasisira.

"Walang daan sa kapayapaan. Ang kapayapaan ang daan." Ang aming samahang AKKAPKA-CANV ay nakikiisa sa panawagan ng tigil-putukan sa Middle East, Sri Lanka at sa Jolo. At kami rin ay patuloy na mananalangin at mag-aayuno para sa kapayapaan sa Pilipinas at sa buong mundo.

Show comments