Tulog manok ang aming dinanas ng mga sandaling iyon. Nakaidlip kami dakong 11:00 ng gabi at nagising naman ng 1:00 ng madaling-araw upang maghabol sa unang biyahe ng bus patungong Davao City, he-he- he! Puyat at panghahapdi ng sikmura ang aming dinanas. Ngunit nabaliwala ang lahat ng ito ng aming marating ang dalawang paaralan.
Mainit ang kanilang pagsalubong sa aming grupo. Ang Maa Central Elementary School ay naghanda pa ng malaking programa at sa katunayan ay nag-imbita pa ito ng mga matataas na opisyales ng DepEd sa buong Davao City at maging sa mga guro ng ibat ibang bayan.
Ayon kay Principal Dionisio B. Lacerna "Napakabuti ng pamunuan ng Star Group of Publication na maghandog ng mga unit ng Dream Satellite sa mga mababang paaralan lalot higit sa aming lalawigan na makakatulong ng malaki sa makabagong pagtuturo sa mga kabataan. Salamat po Mr. Miguel Go Belmonte at sa Damayan Foundation."
Agad nang ginanap ang turnover na sinaksihan nina Gloria P. Labor, Ed D. Ceso V School Division Superintendent, Dioscora B. Villarin, District Supervisor, PTA President Josie E. Bacruya, mga guro, mga mag-aaral at mga magulang. Matapos ang turn-over ay agad nang sinimulan ang viewing sa mga kabataan kung kayat nagmistulang sinehan ang Library room ng Maa Central Elementary School.
Ang huling nabigyan ng Dream Satellite ay ang New Visayan Elementary School ng Panabo City. Masaya naman ang pagtanggap sa aming ng mga guro at mag-aaral sa naturang paaralan. Ang lahat ng hirap na aming dinanas mula Luzon, Visaya at Mindanao ay napawi dahil sa kabutihan ng loob nilang pagtanggap sa aming grupo.
Payo ko lamang sa mga naka-tanggap ng mga regalo mula sa Damayan Foundation ng Star Group of Publication na ingatan ninyo upang sa gayon ay mapakinabangan pa ng mga kabataan sa darating na panahon. At sanay patuloy nyong tangkilikin ang aming pahayagang The Philippine STAR, Pilipino Star NGAYON at PM PangMasa upang sa mga darating pang panahon ay higit pa ang maihahandog namin sa inyo.
Salamat po at mabuhay kayong lahat!