Ang boses ng kabataan

CONGRATS sa kaibigan kong si Prof. Gene G. Panganiban sa kanyang programa sa Radyo ng Bayan, ang Huwarang Pilipino na napapakinggan mula 7:30 hanggang 9:00 tuwing Linggo ng umaga. Hindi kataka-takang mahigit nang isang dekada napapakinggan ang palatuntunang ito. Dito’y nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapaghayag ng kanilang opinyon at pananaw tungkol sa mga importanteng isyu.

Ka-tandem ni Gene sa programang ito si Dr. Rodrigo L. Malunhao, pangulo ng Universidad de Manila, dating City College of Manila. Kahapon ng umaga’y napasyal ako sa studio ng Radyo ng Bayan at nasaksihan ko ang balitaktakan ng mga law students ng Bulacan State University tungkol sa isyu ng abolisyon ng death penalty na pinagtibay kamakailan ng Kongreso at nilagdaan ng Pangulo.

Karamihan sa mga estudyante ay pabor sa abolisyon sa katuwirang Diyos ang nagbigay ng buhay at Diyos lamang ang puwedeng bumawi nito. Kasalungat ang aking opinyon sa usaping iyan dahil ako’y kumakatig sa bitay sa mga buktot na krimen bagamat sa kondisyong dapat isaayos ang sistema ng hustisya sa bansa. Habang may mga hukom na nagbebenta ng mga TRO at desisyon sa mga kaso, nakakatakot ang implementasyon ng bitay dahil baka ang maparusahan ay yaong walang kasalanan.

Gayunman, kahangahanga ang mga kabataang ito na nagpakita ng kanilang kakayahan hindi lamang sa matatas na pagsasalita kundi pangangatuwiran. Sa isang bansang demokratiko, mahalaga ang mga mamamayang epektibong nakapaglalahad ng kanilang mga pananaw at opinyon.

Magandang ideya rin na naisasahimpapawid ito sa isang himpilang radyo ng pamahalaan at sana’y pakinggan ito at ikonsidera ng mga umuugit ng gobyerno, pabor man sa kanila o laban ang mga opinyon ng ating mga kabataan.

Ang mga kabataan ang bumubuo sa nakararaming bahagdan ng lipunan at mahalaga ang kanilang tinig at opinyon ay marapat lang pagbatayan ng mga binubuong patakaran ng ating pamahalaan.

Sana’y magpatuloy pa ang ganyang programa at tumalakay pa ng malaliman sa mga problemang kinakaharap ng bansa.

Email me at alpedroche@philstar.net.ph

Show comments