Ang pagkakaroon ng mga bagong kaalaman ng mga DHs ang magiging daan para magkaroon sila nang malaking suweldo. At sabi ng Presidente, kapag may sapat nang kaalaman ang mga DH, tatawagin nga silang "supermaids". Ang mga "supermaids" ang ipapadala ng Pilipinas sa mga bansang nangangailangan ng maid.
Maganda ang balak na ito para sa mga DHs. Dapat magkaroon ng ibang kaalaman ang mga Pinay DHs at hindi lamang sa paglilinis ng bahay, pag-aalaga ng bata, paglilinis ng kotse, pagtatabas ng damo kundi pati na rin sa mga biglaang pangangailangan. Noon pa sana ito naisip ng pamahalaan para nabawasan ang mga Pinay DH na madaling pinauuwi ng kanilang amo dahil sa kawalan ng nalalaman. May mga Pinay na hindi maintindihan ang instructions ng kanilang amo kaya naman mali ang ginagawa. Kahit DH, nararapat na mag-aral ng English para naman magkaintindihan.
Nararapat din namang turuan ng self defense sakali at pagtangkaan siyang gahasain ng kanyang manyakis na amo. Kagaya ng nangyari kay Sarah Balabagan na tangkang gahasain ng among Arabo. Napatay ni Sarah sa saksak ang amo. Naabsuwelto si Sarah.
Kung may kaalaman sa pagtatanggol sa sarili, makaliligtas sa kapahamakan ang mga DH. At kung marunong sila ng self defense, masasabing "supermaids" sila.
Pero kahit na nga gaano pa kahusay ang "supermaids" kung wala rin namang sapat na proteksiyon ang gobyerno, wala ring mangyayari. Kahit pa may kaalaman sa maraming bagay ang Pinay at hindi naman binibigyan ng sapat na pagkalinga ng embahada, wala rin ang mga pagsasanay. Ang mahalaga ay mayroong tutulong sa mga "supermaids" sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Sakali mang pinagmalupitan sila ng amo, mayroon agad sasaklolo. Hindi kagaya ng nangyari kay Flor Contemplacion na noong bibitayin na lamang saka nalaman ng buong mundo.