Ilaw sa karimlan

ILANG ulit na nawalan ng kuryente sa Metro Manila sa kasagsagan ng mga nakaraang bagyo. Gumamit ng mga kandila ang mga tao upang bigyang-liwanag ang madilim nilang kapaligiran. Datapwat ang liwanag ng kandila ay panandalian lamang sapagkat nauupos.

Mayroong isang ilaw na kailanma’y hindi mauupos. Ito ay si Jesus –— ang Ilaw sa karimlan ng kasalanan, kamatayan at kadustaan.

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa Pagbabagong-Anyo ni Jesus (Juan 9:2-10). Naganap ang Transfiguration ni Jesus sa Bundok ng Tabor. At ang pangyayari ay nasaksihan nina Pedro, Andres at Juan.

Sa halip na tunghayan natin ang Ebanghelyo ni Juan, mainam din na pagnilayan natin ang Ikalawang Sulat ni Pedro 1:16-19) – na siyang Ikalawang Pagbasa sa Liturhiya – na kung saan nagbigay-patunay siya sa mga pangyayari sa Bundok ng Tabor.

"Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Jesus, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit: "Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan." Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.

"Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mabanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala sa umaga’y maglagos sa inyong puso."


Ang Transfiguration ni Jesus ay nagbabadya sa atin ng kanyang kaluwalhatian na dulot ng kanyang Pagkabuhay na Muli. At ito ang inihahandog ni Jesus sa lahat ng tao na nais sumunod sa kanya at sa kaganapan ng paghahari ng Diyos.

Show comments