Nagsadya sa aming tanggapan si Reynaldo Garcia ng San Andres Bukid, Manila upang humingi ng tulong hinggil sa umanoy panggagahasa sa anak nitong itago na lamang natin sa pangalang Blessie, 14 taong gulang.
Panganay sa dalawang magkapatid si Blessie. Ulila na sa ina ang biktima. Binawian ng buhay matapos umano itong mabinat sa bunsong anak nilang si Doris.
Dahil naman sa pahintu-hintong pag-aaral ni Blessie ay nasa Grade V pa lamang ito. Hindi naman hadlang sa bata ang kanyang edad para hindi nito ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
"Pedicab driver lang ako. Maliit ang kita kaya kung minsan ay hindi ko nabibigyan ang mga anak ko," sabi ni Reynaldo.
Gayunpaman ginagawa naman lahat ni Reynaldo ang kanyang makakaya maisalba lamang ang kanyang mga anak. Kung minsan ay sa probinsiya namamalagi si Reynaldo. Nagbabakasakali umano ito na magkakaroon ng magandang kita sa kanyang pamamalagi doon kaya ang dalawang anak ay naiiwan sa kanilang lolo at lola.
Dahil sa abala sa paghahanap buhay si Reynaldo hindi na niya masyadong nasusubaybayan ang mga anak. Maghapon siyang namamasada upang makaraos sa pang-araw-araw nilang pagkain.
"Ang anak ko naman ay tumutulong sa bahay ng kapitbahay namin, si Mona para may ipambaon siya sa eskuwelahan. Ganoon din ang ginagawa ng bunso kong anak," kuwento ni Reynaldo.
Panatag naman si Reynaldo na maayos naman ang kanyang mga anak bagaman kulang umano ang kanyang oras para paglaanan ang mga ito. Madalas ay naka-istambay ang anak nitong si Blessie sa tapat lamang ng barangay hall kasama ang ilang mga kaibigan.
Subalit lingid sa kaalaman ni Reynaldo na madalas na umanong mayaya ng mga kaibigan ang anak na magpunta sa kung saan-saang lugar.
"Ika-6 ng Hulyo 2006 nang magpasama sa anak ko si Jeralyn na may kukuhanin lang itong notebook sa bahay ng kaklase niya sa Pasig Line, San Andres Bukid pero hindi naman ito nagtagal. Pagkakuha ay umuwi na rin daw sila," sabi ni Reynaldo.
Naging malapit sa isat isa sina Jeralyn at Blessie sa pamamagitan na rin ng isa pa nilang kaibigan, si Rona na matagal na ring kaibigan ng biktima.
Ika-7 ng Hulyo 2006 ng gabi, nasa labas ng bahay ang biktima kausap umano ang ilang mga kaibigan. Dumating si Jeralyn at muli umanong nagpasama sa bahay ng isang kaibigan sa Pasig Line.
"Tulog na ako noon umalis ang anak ko kaya hindi ko alam na umalis pa pala ito," sabi ni Reynaldo.
Tiwala at panatag naman ang loob ni Reynaldo na maayos ang kanyang mga anak kahit na kadalasan ay hindi niya ito nasusubaybayan subalit sa pagkakataong ito hindi niya inakalang mapapahamak ang kanyang anak.
Muling nagpunta si Blessie at ang kaibigan nito sa Pasig Line. Isang bahay ang umanoy pinuntahan ng dalawa. Nakilala umano ng biktima ang mga suspek na si Jessie Eberrientos alyas Surot at isang alyas Jomar.
"Hindi daw alam ng anak ko kung ano ang pakay ni Jeralyn sa mga lalaking pinuntahan nila. Hanggang sa nagbigay pa daw ng pera itong si Jeralyn para ibili ng alak," kuwento ni Reynaldo.
Nagmamasid lamang umano ang biktima habang nag-iinuman ang mga kasama nito. Pinilit umano ni Jeralyn si Blessie na uminom ng alak subalit panay ang tanggi nito dahil sa takot umano nitong mapagalitan siya.
"Sa pangungulit daw sa kanya ay napapayag na rin daw siyang uminom hanggang sa nalasing na daw siya dahil ang sabi ay nilagyan pa raw ng betsin ang iniinom niya," salaysay ni Reynaldo.
Nahilo umano ang Blessie dahil sa labis na kalasingan nito. Dinala umano siya sa isang kuwarto at pinahiga sa kama. Minabuti nitong magpahinga sa kuwarto subalit hindi nito alam na kapahamakan ang naghihintay sa kanya ng mga sandaling iyon.
May kamalayan pa umano ang biktima kahit na ito ay lasing. Namalayan na lamang nitong pumasok sa kuwarto si Jomar.
"Pagpasok ni Jomar sa kuwarto ay puwersahan na umano siyang pinatungan nito. Hinubaran daw siya at saka ginahasa. Umiiyak na ang anak ko at nagmamakaawa subalit hindi pa rin daw siya pinakinggan nito," kuwento ni Reynaldo.
Wala nang nagawa ang biktima nang pagsamantalahan siya ng suspek. Matapos mahimasmasan ay umuwi na ito ng bahay bandang alas-2 ng madaling-araw.
Umiiyak nang magsabi ang biktima sa kanyang Tita Rosalyn ang hinggil sa nangyari sa kanya. Agad namang inaksyunan ng kanyang tiyahin ang nangyari sa kanya.
"Nagpunta na sila noon sa presinto para magreklamo. Hindi ko pa alam ang nangyari. Ang bayaw kong si Rolly ang nagsabi sa akin na na-rape nga raw ang anak ko," sabi ni Reynaldo.
Hindi agad ipinaalam kay Reynaldo ang pangyayari dahil sa takot ng biktima sa ama subalit gayunpaman ay wala na itong magagawa pa kundi ang tulungan ang anak.
Pinayuhan naman ang kaanak ng biktima na ipasuri ito sa PGH upang malaman na ito ay postibong ginahasa.
"Lumabas sa resulta na positibong nagahasa ang anak ko kaya nagbigay ng salaysay ang anak ko sa himpilan ng pulisya upang pormal na masampahan ng kaso ang mga suspek," pahayag ni Reynaldo.
Kasong rape ang isinampa laban sa maga suspek. Hangad ni Reynaldo na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa anak. Umaasa siyang magiging mabilis ang pag-usad ng kaso upang pagbayaran ng mga suspek ang kanilang ginawa.
Nais kong batiin ng Happy 27th Wedding Anniversary sina Atty. Romeo Galvez at ang asawa nitong si Glecy Galvez.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 0 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.