Karaniwan na sa mga sumbong na ito ay pagpapa-kilala at pagpapakita ng ID ng BITAG upang makahingi ng kotong o di naman ay proteksyon.
Pinangangalagaan namin ang aming pangalan at kailanman hindi kami papayag na madungisan ang pangalang nakatatak na sa amin, ang BITAG!
Wala sa estilo ng BITAG ang magpakilala kanino man o sa sinoman, malaki man o dwende sisiguraduhin naming oras ginamit ang pangalan ng BITAG sa katarantaduhan sisiguraduhin naming mahuhulog sila sa aming patibong.
Tulad na lamang ng kasong inilapit sa amin nung isang linggo. Tatlong ginang ang nagsadya sa aming tanggapan mula pa sa San Jose del Monte, Bulacan
Laman ng kanilang reklamo ang nagpapakilalang empleyado kuno ng BITAG na si Marietta Laganzo.
Estilo ng impostor na ito na magpakilala bilang staff ng BITAG at magpiprisintang tutulong sa mga biktima. Gayun din ang gamitin ang pangalan ng inyong lingkod sa kanyang iligal na pagre-recruit sa Canada.
Si Mr. BITAG daw umaasikaso ng mga papeles ng mga aplikanteng dumadaan sa kanyang kamay.
Hindi nagdalawang isip ang BITAG na isinagawa ang surveillance sa tulong ng mga lehitimong staff ng BITAG.
Sapul ng aming concealed camera ang panloloko ng manggagantsong impostor. Binola maging ang aming undercover na lingid sa kanyang kaalaman, na ang isang paa niya ay nasa hukay na ng aming BITAG.
Bilang kapalit ng kanyang pagbro-broadcast kuno sa problemang inihain sa kanya ng mga BITAG undercover kailangan magbayad ng halagang 640 pesos bawat isang tao.
Kayat agad kaming nakipagtulungan sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ng San Jose del Monte Bulacan at inihanda ang gagawing entrapment operation.
Dito nahulog sa patibong ng BITAG si Ma-rietta at agad dinala sa presinto kung saan naghihintay sa kanya ang malamig na rehas.
Ngayon pa lang ay pinag-iingat na ng BITAG ang lahat na maging paladuda sa lahat ng oras. Kailanman hindi kami nagpapabayad sa aming ginagawang serbisyo publiko.
Ipagbigay alam agad sa amin ang inyong mga tips at reklamo sa mga nagpapakilalang BITAG kuno. Sisiguraduhin namin diretso sila sa kalaboso.