^

PSN Opinyon

San Ignacio de Loyola

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
NGAYON ay ika-17 Linggo sa Ordinaryong Panahon sa ating liturhiya. Subalit minarapat kong sariwain muli ang buhay ni San Ignacio de Loyola, sapagkat bukas, Hulyo 31 ay kanyang kapistahan. Siya ang nagtatag ng Society of Jesus noong 1541. Ang mga kaanib ng samahang ito ay kilala sa tawag na "Jesuits".

Si San Ignacio ay ipinanganak noong 1491. Noong una, siya ay namuhay bilang isang sundalo. Ipinaglaban niya ang hari. Gustung-gusto niyang magpakitang-gilas sa mga kababaihan. Noong 1521, ipinagtanggol niya ang isang kastilyo sa Pamplona, Spain laban sa mga French. Isang bala ng kanyon ang tumama sa kanyang binti. Noong bandang huli, siya at ang kanyang mga kasamang sundalo ay sumuko sa mga French.

Siya ay dinala sa kanyang bahay sa Loyola, Azpeitia, Spain. Habang siya ay nagpapagaling ng kanyang sugat sa binti, humingi siya ng mga librong babasahin. Walang maibigay sa kanya. Sa halip, aklat ng Buhay ng mga Santo at Buhay ni Jesus ang kanyang mga nabasa. Samantalang binabasa niya ang mga libro, si Ignacio ay nagkaroon ng pagbabagong-loob. Mula sa pagiging isang sundalo ng hari, siya ay naging sundalo ni Jesus.

Ang mga Jesuits ngayon ay nasa iba’t ibang dako ng mundo – nasa Europa, Africa, Asia at Oceania.

Ang mga Jesuits ay naparito sa Pilipinas noong 1591. Ang mga misyonero noon ay mga Kastila. At noong 1921, mga Amerikanong Jesuits ang humalili sa mga Kastilang Jesuits. Sa kasalukuyan, ang mga Jesuits ay kilala sa kanilang apostolado sa edukasyon. Nandiyan ang Ateneo de Manila University, Ateneo de Naga, Ateneo de Davao, Xavier School sa Greenhills, San Juan, Xavier University sa Cagayan de Oro at Ateneo de Zamboanga.

Ang mga pinakakilalang alumnus ng paaralan ng mga Jesuits ay si Dr. Jose P. Rizal at ang iskolar na si Fr. Horacio de la Costa. Si Fr. De la Costa ang kauna-unahang Pilipinong Provincial ng Philippine Province.

Ang isa pang mahalagang gawain na itinataguyod ng mga Jesuits ay ang pagbibigay ng mga retreats. May mga retreat houses sa Novaliches, Angono, Cebu at Malaybalay. Pinangangasiwaan ang mga lugar ng mga maysakit na ketong sa Culion, Palawan. May mga parokyang pinangangasiwaan sa Bukidnon, Cebu at Metro Manila. Ang mga Jesuits na sumusulat ng kolum sa iba’t ibang pahayagan ay sina Fr. James Reuter at Fr. Miguel Bernad sa Philippine Star; Fr, Joaquin Bernas sa Today at ako na sumu-sulat sa diyaryong ito mula pa noong 1986.

AMERIKANONG JESUITS

ATENEO

BUHAY

CEBU

DR. JOSE P

JAMES REUTER

JESUITS

JOAQUIN BERNAS

NOONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with