Dapat ipakita ng gobyerno ang sinseridad at determinasyon sa pagsugpo ng katiwalian. Nagbigay ng $21 million grant ang Estados Unidos sa Pilipinas para sa kampanya. Balita ko, malaking bahagi ng pondo ay gagamitin sa paghahabol sa mga nandaraya sa buwis. Mali yata. Hindi mga corrupt na sibilyan ang dapat tugisin sa pondong ito kundi yung mga corrupt officials ng pamahalaan. Sa bawat mamamayang nandaraya sa buwis, may mga opisyal o tauhan ng pamahalaan na kakutsaba. Sila. Sila ang dapat usigin, idemanda at parusahan.
Ang tulong ng US ay tinumbasan ng P 1 bilyon ng Pilipinas para tiyaking may ngipin ang kampanya laban sa katiwalian. Tiyak, matamang imo-monitor ng US government ang kampanya laban sa katiwalian. Sana, sana lang, magtagumpay na ang programa laban sa katiwalian. Iyan ang dahilan kung bakit napag-iwanan na ang Pilipinas ng ating mga kalapit na bansa sa pag-ulad. Ang perang dapat sanay nakalaan sa pagpapaunlad ng ekonomiya ay kinukulimbat ng mga kawatan sa gobyerno.
Parang hindi maganda na may dayuhang bansang waring nanghihimasok sa panloob na problema ng Pilipinas. Pero sa kasong ito, ang tulong pinansyal ng Amerika pati na ang pagmomonitor nito para tiyaking nagagamit nang tama ang pondo ay dapat i-welcome. Gusto ng US na magkaroon ng mabilis na pag-uusig, pagsasakdal at paghahatol sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Sa ugali at maling kultura nating mga Pilipino, we cannot even police our own ranks. Talaga yatang kailangan ang isang dayuhang puwersa bago tayo mapagbago. Nakakahiya.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph