Isang talinghaga muli

GINAGAMIT ni Jesus ang mga talinghaga upang bigyan ng aral ang mga taong nakikinig sa kanya, datapwat ang mensahe niya ay lingid sa mga taong ayaw makinig sa kanya.

Sa pagbasa ngayong araw na ito, ipinaliwanag ni Jesus ang tungkol sa talinghaga ng mga butil na nahasik sa tabi ng daan, sa kabatuhan, sa dawagan at sa matabang lupa (Mateo 13:18-23).

"Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa maghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig sa Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng nahasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng nahasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakakaunawa nito. Sila’y namumunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu."


Sa talinghaga, ang manghahasik ng butil o binhi ay ang Panginoon. Ang butil na inihasik ay ang kanyang Salita. Ipinaliwanag na rin niya ang kahulugan ng tabi ng daan, kabatuhan, dawagan at matabang lupa. Kung iisipin natin ang ating personal na kalagayan sa kasalukuyan, saan natin maaaring ihalintulad ang ating mga sarili?

Ang ating pansariling kasagutan sa tanong ang makapagsasabi kung tayo’y may kapayapaan ng kalooban o wala.

Show comments