Hindi ba kayo natatakot?

MARAMI na ang nagtanong sa akin kung hindi raw ba ako natatakot sa nagiging kalagayan ng Pilipinas ngayon. Sandali kong inisip ang katanungan at agad kong sinagot "Oo, matagal na akong takot!".

Simple lamang ang basehan ng aking sagot. Kitang-kita na marami pa ring mamamayan ang nagugutom at walang pinagkukunan ng ikabubuhay.

Mas lalong nakakatakot na para bagang balewala sa mga opisyal ng pamahalaan ang sitwasyon ng mamamayan. Dedma lang sila at tuluy-tuloy pa rin sa pagnanakaw at pag-atupag sa ikabubuti ng kanilang sarili. Kaya ang nangyayari, ang mga nasa poder ay gumagawa ng paraan upang huwag mawala sa kapangyarihan at yung mga wala pa at salimpusa pa lamang ay naghahanap ng butas upang maging malakas.

Tingnan ang mga nangyayari sa tatlong sangay ng pamahalaan. Ano ang napansin ninyo sa Malacanang? Sa dami ng problema ng bansa, nakuha pang magpasyal ni President Arroyo sa iba’t ibang bansa. Nagtungo siya sa Italy, Spain at Libya.

Naayos na kaya ang problema sa military kaya pinayagan nang mag-retire si AFP Chief of Staff Generoso Senga na pilit na isinasangkot sa planong destabilization plot. Naayos na rin kaya ang tungkol sa pagkakasangkot ni Gen. Hermogenes Esperon sa dayaan ng eleksyon nung 2004 kaya siya ang ipinalit kay Senga. Naayos na rin ang isyu sa pagiging kamag-anak ni Gen. Oscar Calderon kay GMA kaya na-appoint nang PNP Chief. Ayos na rin ang butu-buto.

Ang mga senador naman, parang walang pakialam sa iba pang nangyayari sa mundo. Inasikaso nila ang kanilang problema. Bago na ang Senate President na walang iba kundi si Manny Villar. Pinalitan nito si Sen. Franklin Drilon. Ang mga congressmen naman, inatupag na naman nila ang panibagong impeachment complaint laban kay GMA. Kasi, wala na silang iba pang magawa upang huwag mawala sa eksena ng pulitika sa Pilipinas Hindi ba kayo matatakot kung ganito nang ganito ang nasasaksihan sa ating bansa?

Show comments