Hindi baleng magpiyesta ang mga magnanakaw dahil walang pulis na nagpapatrulya at wala ring nanghuhuli maliban sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng mga rallyista. Pero bakit tayo magtataka, si Madam Senyora Donya Gloria ang siyang tagapagtanggol ng mga kriminal sa kanyang desisyon na alisin ang parusang bitay.
Libu-libo ring mga sundalo ang ikakalat hindi lang sa Metro Manila kung hindi sa Malacañang, Batasang Pambansa at ultimo sa Edsa shrine dahil meron pa rin daw banta sa kalusugan ni Madam Senyora Donya Gloria.
Okay lang na matahimik ng ilang araw ang mga rebelde gaya ng mga Abu Sayyaf at mga bandidong grupong patuloy na nangwawalanghiya sa mga ordinaryong mamamayan. Ganoon din ang kasayahang dinadanas ngayon ng mga pirata at iba pang mga masasamang elemento na dapat sana ay tinutugis ng mga sundalo.
Wala ring pag-aatubili ang mga kaalyado, kakampi, kasabwat, kapartido, kahati, sipsip, tuta at tsimoy na mga pulitiko sa pagpeprepara ng kani-kanilang sarili upang tiyaking sila ay magmukhang disente at naggagandahang lalaki at babae pagpunta nila sa Batasang Pambansa upang pumalakpak at makakamay kay Madam Senyora Donya Gloria.
Marami sa kanila ay nagpatahi pa ng barong at Amerikana na nagkakahalaga ng libu-libong piso. Puwera pa ho riyan ang mga sapatos nila at mga alahas na suot.
Mga miyembro naman ng welcoming committee ng Malacañang na sasalubong at mag-aasikaso sa iba pang mga gobernador at mayor (palakpak brigade) ay todo rin ang preparation upang tiyakin na masarap at maginhawa ang kanilang pagtungo sa Kamaynilaan.
Habang nagugutom ang kanilang mga kababayan ay enjoy sila sa mga 5-star hotels kung saan telepono lang ay aakyatan sila ng super sarap na pagkain at inumin na babayaran muli ni Juan dela Cruz.
Kung maiinip naman ang mga kagalang galang na kalalakihang mga ito, pinasusundo naman sila at aasikasuhin sa The GENTLEMENS League na ngayon ay nasa bagong location sa Greenhills. Yung sa Ortigas center kasi ay plano yatang gawing Chapel dahil doon inimbita ang tatlong batches na obispong binigyan ng sobreng nagkakahalaga ng P30,000 hanggang P50,000 bawat isa.
Dito sa bagong location ay hindi lang sila maaasikaso ng mga young and beautiful tsika babes, maaari pa silang magtampisaw sa jacuzzi at king size na mga kama.
Mga misis ng gobernador at mayor na ayaw pasamahin sa Kamaynilaan dahil "baka raw magkagulo," tanungin nyong maigi ang inyong mga kagalang-galang na mister kung anong gulo ang pinag-uusapan nila. Baka gulo lang ng buhok habang sila ay binibigyan ng shower sa jacuzzi.
Hirit din ng Malacañang na hindi lang daw ordinaryong speech ang idedeliver ni Madam Senyora Donya Gloria kung hindi bibigyan pa raw ito ng mga visual aides at kung anu-ano pang mga high tech support.
Importante raw ang visuals ayon na rin sa Malacañang kaya huwag ho kayong magulat kung sa SONA ay biglang lumitaw si David Copperfield o iba pang mga magagaling sa mahika. Pero bakit kailangan ang mga foreign magicians nandiyan naman si dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano, Gen. Hermogenes Esperon, Sec. Ignacio "I Have Two Tapes" Bunye at iba pang mga alagad ng Malacañang.
Buong Gabinete rin ang pinag-standby ng Malacañang habang ginagawa ang speech ni Madam Senyora Donya Gloria as if mapapagaan ang buhay ng sambayanan sa kanilang masugid na paghihintay.
Sabagay, kailangang ipakita na magaling siya at umuunlad ang Pilipinas. Kailangang puro super ganda ang kanyang speech dahil present din ang mga foreign dignitaries na as a matter of protocol ay dadalo. Hindi baleng puro kasinungalingang muli ang ating maririnig.
Patutunayan din daw ng Malacañang na umunlad ang ekonomiya ng bansa at gumaganda ang takbo ng pananalapi ng Bangko Sentral, hindi na baleng nadagdagan ang mahihirap sa ating bansa at sobra ang bilang ng hindi kumakain ng tatlong beses isang araw.
In short, no stones were left unturned ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria upang tiyaking successful ang SONA. Kahit gaano kamahal, gaano kahirap, gaano katindi gagawin nila para sa Sonang ito lalo na at 44 percent ng Pinoy disapproved of Madam Senyora Donya Gloria at 47 percent naman ay walang tiwala kay Madam Senyora Donya Gloria. Kung susumahin nyo ito, aba halos ma-zero na maliban sa mga nakikinabang na mga alagad at kakampi.
Kaya kailangan talaga muling magkaroon ng illusion at heto po bibigyan po namin kayo agad-agad. Galing ho ito sa mga tunay na nagmamahal sa inyo at mga patuloy na naniniwalang kayo ang tanging tagapagligtas ng sambayanang Pilipino.
Mabuhay Madam Senyora Donya Gloria. Mabuhay ang Pinakamagaling na pinuno ng Republika ng Pilipinas. Mabuhay ang lahat ng kakampi at kapartido at alipores at sipsip. MABUHAY ANG ARAW NG KASINUNGALINGAN!