Ewan ko kung paninira lamang ang mga salitang ito subalit hindi maganda lalo na ngayong buhay ng mga OFW ang nasa panganib. Ngayon pa naman ang pagkakataon na maipakikita ng gobyerno ang tulong sa mga tinaguriang "bagong bayani" nagpapasok sa bansa ng $10 bilyong dolyar.
Kailangang kumilos ang Department of Labor, Foreign Affairs, Department of Budget, OWWA at iba pang may kinalaman sa mga OFWs sapagkat trabaho nila ang makipagtulungan upang mailigtas ang mga OFW na nasa Lebanon.
Ang problema nga lamang hindi lang sila tinitipid ngunit pinahihirapan pang makakuha ng mga perang gagastusin sa kanilang operations samantalang mayroon namang approved budget para rito.
Ang isa pang problema ng mga OFWs sa Lebanon ay kulang na kulang ang budget na inaprubahan ng Malacañang. Kulang na nga, ang hirap pang magpa-release. May pagkakataon pang nagdedelihensiya na ang mga ibang opisyal sa kanilang mga sari-sariling contacts na businessmen upang tumulong sa operations na dapat na ang talagang gobyerno ang mananagot sapagkat malaki at sobra-sobra pa nga ang kinita ng gobyerno sa mga OFWs.
Nais kong paalalahanan ang mga nasa Malacañang at ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa mga OFW sa Lebanon. Tungkulin ninyong iligtas ang mga OFW. Hindi sila dapat paghintayin sapagkat tumitindi ang labanan sa Lebanon.