Kabilang sa mga nanggamit umano ay mga retiradong AFP officers: Gringo Honasan, Jake Malajacan, Felix Turingan, Rafael Galvez, Vic Batac at Mel Acosta. Sina Gringo at Malajacan ang nagbigay kay San Juan ng tatlong rifles: isang M14, isang M-16, at .50-caliber pang-sniper. Naroon din si Eki Cardenas, deputy executive secretary ni Joseph Estrada, na dalawang beses pinagamit ang bahay sa pagre-recruit ni Gringo; si Sen.Panfilo Lacson na nagbigay daw ng laptop. Kapulong din sina Brig. Gen Danny Lim at Col. Ariel Querubin.
Sa panig ng Kaliwa ay mga lumang Komunista sa New Peoples Army sa Batangas; mga kontak na Atty. Christopher Belmonte at Ruel Pulido; at Catholic Bishop Antonio Tobias na nagkupkop kina San Juan nang isang buwan nung Enero-Pebrero 2006. Kapulong din sina dating University of the Philippines head Dodong Nemenzo at RC Constantino.
Kinumpirma sa affidavit ni San Juan ang marami nang detalye tungkol sa Oakwood Mutiny nung July 2003 at tangkang kudeta nitong Peb. 24 ngunit binalewala ng media. Totoo pala ang alyansa ng extreme Left at Right para itumba ang gobyerno at maglatag ng junta.
Pero ang nakakabigla ay, sa loob ng dalawat kalahating taon ni San Juan sa Magdalo, inabutan siya ng mga financiers ng destabilization ng P40,000-P50,000, ngunit naulinigan niya si Ltsg. Antonio Trillanes na tumanggap ng tumataginting na P28 milyon.
Nakakatakot din ang scenario na sinusunod ng Magdalo. Itoy ang magkaroon ng Pangulong dating sundalo, ala-Hugo Chavez ng Venezuela, na kukumpiska sa mga malalaking negosyo at aatake sa US. Mag-isip-isip na sana ang mayayamang nagpopondo ng kudeta; patay sila sa Magdalo.