Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus sa triguhan. Nagutom ang kasama niyang mga alagad kayat nangitil sila ng uhay at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga." Sumagot si Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan na kanin nila ang tinapay na iyon sapagkat ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi pa ba ninyo nabasa sa Kautusan ni Moises na tuwing Araw ng Pamamahinga, lumalabag sa batas tungkol sa araw na ito ang mga saserdote sa templo, gayunmay hindi nila ipinagkakasala iyon? Sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. Hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala kung alam ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, Habag ang ibig ko, hindi hain. Sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao."
Maraming pagkakataon na umiiral ang pagmamalabis sa pagtupad ng mga kautusan sapagkat hindi talaga natin alam ang dahilan kung bakit ginawa ang mga kautusan. Ang mga kautusan ay ginawa para sa tao. Hindi ang tao para sa mga kautusan. Kapag nasa isang sitwasyon na kung saan ang mga kautusan ay tumapat sa pangangailangan ng tao, dapat maging pangunahing pansin ang pangangailangan ng tao, kaysa sa pagtupad ng mga kautusan.
Ang hindi pagtimbang ng tama sa pagitan ng mga kautusan at ang mga pangangailangan ng tao kadalasay nauuwi sa kawalang-katarungan.