Pasiklab kasi si GMA magtalumpati. Nag-i-Ilokano sa Norte at Chavacano sa Sur, Kapampangan at Bisaya paminsan-minsan, at Kastila at Ingles sa alta sosyedad. Tina-translate niya sa Tagalog antemano ang mga talumpati. At dito, nina Regina at Jocelyn, tunog katawa-tawa si GMA.
"Mag-impok ng kuryente at gasolina," hinalimbawa nilang binigkas ni GMA sa radio program ni Joe Taruc. Ang sabi niya kasi sa Ingles, "save electricity and gasoline." Dapat ang salin ay, "magtipid sa kuryente at gasolina." Nung sinabi niyang mag-impok, parang hinikayat niyang mag-imbak tayo ng kuryente at gasolina sa mga bodega. Imposible ang una, bawal at peligroso ang ikalawa. Ang pag-impok ay parang pagdeposito.
Isa pang ehemplo: "Inutusan ko na sina (opisyal ng Pagcor at MWSS) upang magkaroon ng tubig sa inyong mga pipa." Ang "pipa" na tinutukoy ni GMA ay hindi yung kuwako na pinaghihititan ng tabako; kundi water pipe. Pero malinaw sana kung "tubo" ang sinabi niya.
"Napaikot na natin ang ekonomiya," salin ni GMA sa anunsiyong "we have turned the economy around." Ibig sabihin sa Ingles, naibaliktad na ang takbo ng ekonomiya, pataas na imbis pababa. Pero dapat sinabi ni GMA "napabaliktad" imbis "napaikot", na ang dating ay tila pinaglaruan nila ang mga pigura kaya lang gumanda kuno ang takbo ng ekonomiya.
"Nakalbong dagat," bulalas pa ni GMA sa kampanyang sagipin ang Laguna de Bay. Sa Ingles, sabi niya, "denuded forest and depleted marine resources." Dapat ang pagsalin nito ay "nakalbong gubat at nasaid na lamang dagat." Hindi puwedeng gupitan, ahitan, kalbuhin ang tubig!
Pinaka-nakakatawa ay nang isalin ni GMA sa Tagalog ang "bird flu." Miski si VP Noli de Castro, hindi napigilan humalakhak nang bigkasin ng pinakamataas na opisyal ng bansa ang katagang "trangkasong ibon"!