‘Kalampag Boys’ bagong grupo ng dorobo sa lansangan

HINDI na bago sa BITAG ang mga estilo ng pangongotong sa kalye o lansangan, katulad na lamang ng mga ‘‘TABO BOYS’’ na makikita sa mga riles at kanto ng mga intersection na walang habas na nanghihingi sa mga motorista.

Subalit ngayon isang estilo naman ng pangongotong ang nadiskubre ng BITAG na kung saan ay ginagawa sa pangunguna ng ilang traffic enforcer o mas kilalang yello boys sa Novaliches, Quezon City.

Estilo ng mga kolokoy na yellow boys na ito ang maprotektahan ang mga barker o yung tumatawag ng mga pasahero na siyang naghahari-harian sa Novaliches.

Tambayan ng mga astig na barker ang lugar na kung saan ay kumukuha ng pasahero ang mga bus na humigit kumulang ay 300 ang bilang.

Hinihingian nila ng sampung piso ang mga konduktor ng bus sa tuwing dadaan sila sa kanilang ruta. ayon sa mga nagrereklamong mga bus operator hindi makapalag ang kanilang mga konduktor kapag kumalampag na ang mga nag-aastig-astigang mga barker.

Dahil oras na hindi sila nagbigay sa mga barker, isang senyas lang nila sa mga kolokoy na enforcer huhulihin na nila ang driver na ayaw magbigay ng lagay.

Kung hindi kumpiskado ang lisensiya, plaka naman ang kanilang babakbakin kaya’t walang magawa ang mga pobreng konduktor at driver kung hindi sumunod sa mga naghahari-hariang barker.

Ilang araw minanmanan ng BITAG ang lugar na kung saan ginagawa ang kanilang kabulastugan ng mga kolokoy sapol sa aming surveillance system kung paano mangotong ang mga barker nakuha pang umakyat para lang kunin ang kanilang kotong.

Ang hinihintay naming pagbabaklas ng mga plaka ay hindi nangyari subalit makikita sa kanila ang mga gamit sa pagbabaklas tulad ng martilyo at screw driver.

Mukhang malakas ang pang-amoy ng mga kolokoy kaya’t nakatunog nagmistulang mga barangay tanod na pasenyas-senyas na lang.

Ngayon alam na ng BITAG ang iyong estilo mas mabuti pang itigil n’yo na ang iyong masamang gawain dahil nanatiling nakatutok ang BITAG sa iyong galaw.<

Show comments