Martes ng umaga ay nagkalat sa himpilan ng radio ang plano raw ng Department of Education ang pagsasama ng larong boksing sa physical education classes ng ating mga estudyante.
Bagamat hindi ito masama, halatang nais lang sumakay ng mga magagaling na opisyales ng DepEd sa muling pagsikat ng boksing dahil kay Manny Pacquiao. Ang mas importanteng i-develop nila ay ang basics ng exercises upang tiyakin na ang ating mga kabataan ay malulusog at alam ang wastong pag-eexercise.
Katwiran ng ibang pabor dito ay para raw kasi dumami ang ating pool of boxers at malaki raw ang chance natin sa boxing. Kung ganoon, paano ang larong golf kung saan tatlong manlalaro natin ang nanalo sa junior division sa buong mundo, eh ang chess kung saan itong batambatang 17 year old na si Mark Paragua ay supergrandmaster na.
Magaling ho ang mga athletes natin at napatunayan yan noong nakaraang Southeast Asian Games kung saan tayo ang overall champion. Nagkaroon ng konting support sa kanila at tingnan nyo ang karangalan na natamo nila.
Imagine kung bubuhusan ng support ang ating mga athletes hindi lang sa boxing kung hindi sa chess, golf, tennis, table tennis, soccer, diving, ice skating at iba pang laro at bawasan naman ang para sa basketball at ibang sports na mahalaga ang height malayo ang aabutin ng athletes natin.
Sa kung sinuman ang nag-isip ng pakulong ito, concentrate on upgrading education at bawasan ang mga kalokohan upang mailipat ang energy at resources sa pagtuturo at support ng young athletes.
Tungkol naman sa usapan ng pagtanggap ng pera ng ilang mga obispo at ang pagbubulgar natin sa The Gentlemens League, marami yata akong nasagasaan at may mga text messages akong natanggap na halatang galing sa mga miyembro nila na nagsasabing "inggit lamang" daw ako.
Sagot ko naman diyan, sa inyo na yang TGL na yan. Sana lang hindi nyo pagbayaran ang ginagawa ninyong pang-aalipusta ultimo sa mga alagad ng Diyos. Lubos na ang immoralidad na ginagawa ninyo at darating ang araw na pagbabayaran nyo nang husto ang mga kawalanghiyaang yan. Huwag lang sana ang inyong mga anak ang magbabayad ng mga kasamaan nyo.
Pagdating naman sa kaso ni Agriculture undersecretary Jocjoc Bolante at ng mga nagkanlong sa ilang mga sundalo ng Magdalo, ang mga sundalong Magdalo ay may prinsipyong ipinaglalaban at para sa karamihan ay mga bayani samantalang si Bolante malinaw na responsible sa pagkawala ng daang milyong piso sa fertilizer scam.
Sino ngayon ang mas may sala sa pagkakanlong ng mga sinasabing "fugitive," ang nagbigay ng taguan sa Magdalo o ang Malakanyang at mga tauhan ni Madam Senyora Donya Gloria na patuloy na sinasangga si Bolante hanggang sa immigration officials na ang humuli sa kanya sa United States.
Sa isyu naman ng grupo ng planong pagwiwithraw ng support nina Brig. Gen. Danilo Lim kay Madam Senyora Donya Gloria at planong imbestigasyon ng mga supporters at financiers ni Lim.
Anong masama kung ayaw ng isang taong suportahan ang isang huwad na administrasyon. Ako ho kahit kailanman hindi magbibigay ng support sa isang mandaraya, magnanakaw at sinungaling.
Ang sentimento ko ho ay dala ng mas nakakarami at ang natitirang naniniwala at nagbibigay ng suporta sa madaya, magnanakaw at sinungaling na administrasyon ay either nakikinabang, kasabwat, kasalo, kakampi at higit sa lahat magnanakaw, sinungaling at mandaraya rin.
Pagdating naman sa evacuation ng ating mga kababayan sa Lebanon, mabuti naman at naisip nang isagawa ito. Naglilikasan na lahat pero tayo as usual atras abante pa at nag-iisip pa nang husto at hihintayin pa ang special envoy na si retired Gen. Cimatu na magdesisyon at pag-aralan ang sitwasyon.
Aba, hihintayin pa ba nilang may mamatay na Pinoy bago sila kikilos. Kahit kailan kikilos lang pag nandyan na ang panganib. Baka mahuli ang lahat. Tinawag nating modern day heroes ang ating mga overseas Filipino workers, let us treat them like one. Modern day heroes sila at hindi natin kailangan ng dagdag na dead heroes.
Regarding sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, dapat magtipid lahat pero sana ang administrasyon ay hindi ningas cogon at kalimutan na naman ang kanilang energy conservation paglabas nito sa pahayagan, telebisyon at radio. Ang pagtitipid ay dapat manggaling sa kanila.
Sana rin apurahin ang mga programang paghahanap ng alternative fuel. Hindi kakayanin ng sambayan ang gasolina pag pumalo na ito sa mahigit P50 kada litro. Malaking gulo ito at ultimo si Madam Senyora Donya Gloria na isang ekonomista ay alam ang sipa nito.
Sa usapang giyera naman ng Israel at Lebanon. Ang Lebanon ang tiyak na kakampihan ng lahat ng Arab countries. Ang US naman sa Israel tiyak kakampi. Religious war ho yan na nag-umpisa libu-libong taon na ang nakaraan. Panahon pa ho ni Moses gulo na ho riyan dahil sa kani-kanilang paniniwala.
Yan rin ho ang patuloy na dahilan ng gulo sa Mindanao, away Muslim at Kristiyano. Respestuhin natin ang paniwala ng bawat isa. Walang relihiyon na nagtuturo ng masama. Lahat ho kabutihan sa DIYOS at sa kapuwa ang inuutos. Sundin natin at walang gulo.