Labanan sa Lebanon

DALAWAMPU’T LIMANG milyong piso ang inilaan ng pamahalaan sa malawakang evacuation ng may 30,000 Pilipinong nagtatrabaho sa Lebanon na patuloy na binobomba ng puwersang Israeli.

Dumaraing ang mga Pilipinong naroroon at naiipit sa digmaan. Ang ibang nasyonalidad daw ay tinutulungan na ng kani-kanilang pamahalaan na mailikas sa ligtas na lugar. Sa mga Pilipino, nada. In fairness naman, tingin ko’y hindi nagpapabaya ang pamahalaan. Nagkataon lang na napakaraming kababayan natin ang dapat ilikas at naging very inaccessible ang Lebanon. Binomba na ang paliparan at walang ibang paraan kundi ang maglakbay by land na aabutin ng maraming oras. Tinatayang ito na ang pinakamalaking paglilikas na isasagawa ng gobyerno sa ibang bansa sapul pa noong Gulf war noong 1991. Ang inilaang halaga na $500,000 para sa evacuation ay kapos kung ikukonsidera ang lawak ng gagawing paglilikas.

Sa panonood ko ng TV, nalaman kong mayroong mahigit sa 20 domestic helper na Pinay ang stranded sa isang condominium sa lugar na pinangyayarihan ng pambobomba. Inabandona sila ng kanilang mga amo dala-dala ang kanilang mga pasaporte. Nakalulunos ang kalagayan ng mga ito na ang pinakamalaking sahod ay $300 lang. Ito pa ang mapapala nila sa kanilang paghihirap. Abandonado sila at walang ibang masasandalan sa lugar na kanilang kinaroroonan.

Anila, yung ibang nasyonalidad na naroroon ay sinaklolohan na ng kani-kanilang mga bansa. Pero hangga ngayo’y wala pang saklolo para sa mga Pilipino mula sa pamahalaan. Sa naturang panayam, lumalabas na nagpapabaya ang pamahalaan. Hindi naman siguro. Sa dinamidami ng mga Pilipinong naroroon, hindi lang marahil mapagsabay-sabay ang evacuation. I’d like to give our Department of Foreign Affairs the benefit of the doubt.

Pero dumaraing ang mga Pilipinang ito. Anila, maging sa mga staff ng embahada ng Pilipinas sa Lebanon ay walang makapagsabi kung kailan darating ang tulong.

Walang sinasantong target ang mga missiles na pinauulan ng Israel sa Lebanon. Posibleng bukas-makalawa ay ang kinaroroonan nila ang bigla na lang sumambulat. Sana’y makatawag pansin sa DFA ang panawagang ito ng ating mga kababayan para naman mapawi ang kanilang pangamba at takot.

Email me at alpedroche@philstar.net.ph

Show comments