Malaki talaga ang pakinabang sa mga OFWs na tinaguriang mga "bagong bayani". Kung walang mga OFWs, sadsad na ang ekonomiya ng bansa. Noong 1998 lalong napatunayan ang malaking tulong na ibinibigay ng mga "bagong bayani". Sinagasaan ng financial crisis ang Asia at kabilang dito ang Pilipinas. Pero dahil sa malaking perang ipinadadala ng mga OFWs na nakakalat sa mundo, nakaahon ang Pilipinas. At hanggang ngayon, ang mga OFW pa rin ang pinakamalaking kontribusyon kung bakit nananatiling nakatayo ang ekonomiya ng bansa. Kung walang OFWs kawawa ang Pilipinas.
Pero nang bombahin ng Israel ang Lebanon na kinaroroonan nang mahigit 30,000 OFWs, tila ang contribution nila sa paglago ng ekonomiya ay hindi nakita ng gobyerno. Paanoy ang mga Pilipino na lamang ang napag-iiwanan sa binobombang Lebanon. Ang iba pang mga nationality na kinabibilangan ng mga Amerikano, French, Italians, British at marami pang iba ay na-evacuate na. Sinundo na sila ng kani-kanilang mga embahada at alagang-alaga. Minomonitor ang kanilang kalagayan at tiyak na nakalista ang mga pangalan para hindi sila mahirapan magkumpirma in case of emergency.
Ang mga Pinoy workers na tinawag na mga "ba-gong bayani" ay pawang mga dagang hindi malaman kung saan susuling. Sa pagputok ng rocket na pinakawalan ng mga Israeli ang takot na kanilang nararamdaman ay hindi maisalarawan. Doon na yata matatapos ang kanilang "kabayanihan".
Ganyan din ang nangyari sa mga OFW noon sa Saudi Arabia nang madamay sa bangis ni Iraqi President Saddam Hussein noong 1990 na kubkubin ang Kuwait. Walang plano ang gobyerno sa paglilikas sa mga OFW na madadamay sa giyera.
Nauulit na naman ba sa Lebanon ngayon ang nangyari noon. Mabuti lang ba ang mga OFW kapag nagpapadala ng sangkatutak na pera?