The Gentlemen’s League

KAYGANDANG pangalan. Imagine, liga ng mga ginoo. Ibig sabihin puro magiginoo at mararangal at disente ang mga miyembro rito at kung hindi naman asosasyon o samahan ito ay lugar kung saan nagkikita-kita at nag-uusap ang mga magiginoo, mararangal at higit sa lahat mga disenteng mga ginoo.

Nahihiwagaan ako sa lugar na ito na noon ko pa naririnig kaya inalam ko kung anong meron dito at bakit mga kagalang-galang o mga honorable na opisyal ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria ang malilimit dito.

Magandang-maganda ang lugar na ito at located pa sa Discovery Hotel, isang malaking malaking hotel na makikita naman diyan sa Ortigas center, isang lugar na maituturing na isa sa sentro ng komersiyo. After all, nandiyan ang Philippine Stock Exchange, Asian Development Bank Headquarters at iba pang naglalakihang mga gusali.

Hindi basta-basta makakapasok sa hotel na ito, kailangan mo ng susi ultimo sa elevator at kung hindi maganda at mamahalin ang suot mo o ’di kaya’y kilala ka ng mga mahigpit bagama’t magagalang na guwardiya ay hindi ka makakaakyat lalo na sa 40th floor kung saan naroon ang TGL.

Class na class, social na social, super exclusive ang TGL na buong akala ko noon ay The Good Life dahil naman sa ganda ng mga kasangkapan sa loob. Fully carpeted, expensive sofas and furnitures, chandeliers at mga ilaw na mamahalin at siyempre mga glass ware na ubod nang mahal.

Ultimo pagpasok sa exclusive club na ito ay may kabayarang P400,000 kada tao at bakit naman hindi, kailangan mo ng card sa unang pintuan pa lang na papasukan mo o kung makalimutan mo ang card ay fingerprint scan. High tech pa.

At kahit na may P400,000 ka, hindi ka puwede basta mag-miyembro, kailangan ka-alyansa o kaalyado o kapartido ka pero kung taga-Comelec ka madalas kang ma-imbita rito. Bakit kaya? He-he-he!

Paglampas mo dito, kakanan ka kung saan dadaan ka sa isang parang opisina na state of the art din –— bagong computers, modelong fax machines at iba pang super high tech na office equipment at aero dynamic na mga office furnitures.

Pagkalampas mo rito ay bar na puno ng mamahaling mga alak. Walang Gin dito at lalong walang Tanduay. Kung may beer, hindi maaaring local lang, lahat ng imported meron din.

Maganda rin ang sound system rito at meron pang mga private rooms na pang karaoke pero nakakapagtaka dahil puwedeng mag-shower. Hindi naman siguro nagsa-shower habang kumakanta.

Anyway, sa kabilang panig naman mula sa unang pinto ay conference room at iba pang mga pribadong mga kuwarto. As usual puwede ring maligo muna. Napakalinis talaga nitong mga magiginoo nating mga opisyal.

Ganyan ho ang ayos niyan pero bago tayo makalimot, komo Gentlemen’s League na pag-aari ng isang Kagalanggalang na Gentleman na taga-Northern Metro Manila bawal ultimo mga asawa nila. Gentlemen nga naman pero bakit puwede ang mga girlfriends nila at iba pang mga magagandang mga tsika babes. Mga misis samahan n’yo naman ang mga mister n’yo riyan.

Anyway, bulong naman sa akin na hindi raw nagtatagal ang mga tsika babes, mga girlfriends dahil "kakausapin" lang sila sandali sa isang private room at pagkatapos ng pinakamatagal ng isang oras, paalisin na ito at nakapagrelax na at nakapaligo na ang mga maginoo nating opisyal. Baka naman pinaliguan lang ano? Tanungin si RS, MD, AB at iba pang mga mahihilig sa Spices.

Ang mga mas pagod pa raw ay ikukuha naman ng hotel room sa baba at maaaring mag-overnight. Super pagod kasi at super sensitive ang pag-uusapan ng maginoo at magandang dalaga. Hindi naman siguro si Garci at lalong hindi si Jocjoc?

Malamang nagtataka kayo bakit ko nilalarawan ang lugar na yan, simple lang ho, sa pag-aakala ng mga kagalang-galang na opisyal natin na super exclusive at walang nakaaalam sa nasabing lugar, diyan nila dinala ang ilang mga Obispo na tumanggap din ng "abuloy" mula sa mga galamay ni Madam Senyora Donya Gloria. Alam kaya ng mga Obispo ang mga nangyayari sa lugar na yan?

Mga bishops na nagtungo riyan at tumangap ng envelope, tawag ho ng masa sa ganuong lugar ay "katayan." Of course sa mga sikat makapangyarihan tawag diyan ay "exclusive club." Siguro naman naintindihan na ninyo at ngayon niyo isipin kung gaano "kataas" ang pagtingin sa inyo. Ni hindi na kayo ginalang.

Sabagay, wala pa namang 30 pilak ang laman ng sobre at hindi na THE GENTLEMEN’S LEAGUE ito dahil nilipat na nila sa Penthouse ng isang condominium unit sa Greenhills na pag-aari rin ni RS tsaka diyan nagpasalamat ang Kanyang Kamahalan Madam Senyora Donya Gloria kaya malamang extension na yan ng Malacañang.
* * *
By the way, ang bagong TGL na mas maganda at mas kumpleto ay nasa penthouse diyan sa isang condominium sa Greenhills at fully equipped na ngayon ng modern bathrooms kada kuwarto at may Jacuzzi pa upang ang ating mga "super sipag" na mga opisyal ay mapawi ang pagod. As usual, bawal pa rin ang mga misis pero pwede ang mga girlfriends at mga tsika babes basta sa maikling panahon lang o sa Ingles ay short time lang.

Sa mga congressional spouses, sama kayo sa TGL, ubod nang ganda at kailangan naman ma-relax din kayo. Sa mga Cabinet ladies naman, dami n’yong stress sa mga charity projects ng mga mister n’yong super sipag kaya kailangan n’yo rin mag-relax sa TGL. Gawin n’yong The Gentle People’s League, mas akma at gender friendly pa.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments