Sa isang dako, tama ang mga obispo. Hindi dapat mamilit ang Oposisyon ng suporta sa pagkilos nila, impeachment man o ano pang pamumulitika. Malayang bansa ito, at hindi lang sila ang nag-iisip at naghahangad ng kabutihan ng bansa. Huwag nilang paratangan ng suhol ang pakikiisa sa gobyerno. At huwag silang mag-akusa nang hindi pinapangalanan ang nag-aakusa.
Sa kabilang dako naman, mabuti ngat nakakatikim ng upak ang mga obispo. Inaani lang nila ang ipinunla nilang pamumulitika.
Kung may inaasahang kilos partisano sa mga obispo, at kung may masasakit na salita silang natatanggap sa kabilang panig, itoy kasalanan nilang lahat. Hindi dapat nakikialam sa pulitika ang mga obispo lalo na bilang isang institusyon tulad ng CBCP dahil hindi naman nagbabayad ng buwis ang Simbahan.
Pero mula pa Panahon ng Kastila hangga ngayon, ugali na ng mga obispo manghimasok sa pulitika. Kesyo mali raw ang sex education sa public schools o pagkalat ng condom sa probinsiya. Kesyo pabagsakin daw ang isang administrasyon sa pamamagitan ng people power, at kaysa itaguyod ang ilang ritwal Katoliko sa mga gawaing gobyerno. Sa bawat kilos na ganito ng mga obispo, may nasasagasaan at nagagalit. Itinutulad sila sa mga kinasusuklamang politiko. Kung Diyos at pagmamahal sa kapwa na lang ang isulong ng mga obispo, ma-e-exempt sila sa upak.