Kung minsan, ang ating mga pagsubok ay mula sa ibang tao mga kaanak, mga kaibigan, mga di- kakilala. Ang iba namay mula sa ating trabaho, gawain at mismong kapaligiran. Anumang uri at pinagmulan ng mga pagsubok sa atin sa araw-araw, ang mga ito ay dumarating sa atin upang tulungan tayong patatagin ang ating karakter, palakasin ang ating kalooban at espiritu, pati na pisikal na aspeto, at palalimin ang ating pananalig sa Diyos.
Sa Ebanghelyo sa araw na ito, nagbigay-babala si Jesus tungkol sa mga pagsubok at pag-uusig na darating sa kanyang mga tagasunod. Mainam na pagnilayan natin ito. Tiyak na may mapupulot tayong aral para sa ating sarili sa kapanahunan ngayon (Mt. 10:16-23).
"Ngayon, sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nilitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, itoy ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
"Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao."