Bakit hindi na isinabit ni Nene sa jueteng ang mga Arroyo?

MAY katwiran si Sen. Nene Pimentel na barahin si PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon ukol sa naglilipanang jueteng sa buong Luzon. Ito kasing si Pimentel ay isa sa mga key players na nagbulgar ng jueteng operations sa bansa sa Senado noong nakaraang taon. Di ba si Pimentel ang isa sa mga kumupkop kay jueteng whistleblower Wilfredo "Boy" Mayor bago nilitaw ni Lingayen-Dagupan Arch. Oscar Cruz sa Senate hearing?

At bunga rin sa pang-uurot ni Pimentel, aba, nagsarahan ang jueteng matapos masangkot ang mga pangalan nina First Gentleman Mike Arroyo, anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo at kapatid na si Negros Occ. Rep. Iggy Arroyo. Pero sa kanyang hamon kay Calderon na puksain na muli ang jueteng, hindi na isinabit ni Pimentel ang mga Arroyo. Bakit kaya? Wala na kayang kinalaman ang mga Arroyo sa pamamayagpag ng jueteng sa ngayon sa buong bansa? Papayag kaya ang mga Arroyo na wala nang papasok sa kanilang bulsa eh sila pa ang nakaupo sa trono sa ngayon? Kaduda-duda ang katahimikan ng mga Arroyo at mukhang wala nang nasabi laban sa kanila sina Pimentel at Cruz, ng Krusada ng Bayan Laban sa Jueteng.

Kung sabagay, hindi lang dapat si Calderon ang tuligsain ni Pimentel dahil sa tingin ko, malaki ang kinalaman ng kapabayaan ng mga PNP regional directors kung bakit umusbong na muli ang jueteng matapos ang halos isang taon na sarado ito. Kaya dapat ituon ni PImentel ang kanyang laway kina Chief Supt.’s Alfredo de Veyra, Jefferson Soriano, Ismael Rafanan, Victor Boco at Prospero Noble ng PRO1, 2, 3, 4 at 5.

Hindi naman kaila mga suki na si Soriano ang kumukunsinti sa jueteng ng kanyang kapatid na si Danny Soriano sa Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya. Si Rafanan naman sa jueteng nina Peping Bildan sa Zambales, Bebot Roxas sa Tarlac at mga Joson sa Nueva Ecija na kunwari STL ang prangkisa subalit jueteng ang laro. Si Noble naman ang nasa likod ng jueteng ni Charing Magbuhos sa Quezon at si Boco sa jueteng nina Boy Mayor at Tony Ong sa Albay at sa Sorsogon, Camarines Norte at Camarines Sur.

Teka nga pala. Bakit pinapayagan din ni Calderon na magbukas din ng jueteng si Boy Mayor? Ayon sa mga suki ko, ang main draw ng winning combination ng jueteng nina Boy Mayor at Tony Ong sa Albay ay sa isang compound ng malaking bahay na may karatulang "Frens Ice Cream" na matatagpuan sa Bgy. Travesia sa bayan ng Guinobatan. Ang may-ari ng bahay ay taga-Cebu at ang caretaker ay si Cecilio Garcia. Para patunayan na kinakalong ni Gen. Boco ang jueteng nina Boy Mayor at Tony Ong, dapat ipa-raid ni Gen. Calderon ang bahay na binanggit ko, di ba mga suki?

Kaya hindi dapat si Gen. Calderon lang ang sisihin ni Pimentel kung bakit bumalik na naman sa kalsada ang mga kubrador ng jueteng. At isama na rin ni Pimentel sa nagtatalsikang laway niya ang mga aktibong gambling lords para naman habulin sila hindi lang ng PNP kundi maging iba pang sangay ng gobyerno tulad ng NBI, DILG at BIR. Kasi kapag hindi pinangalanan ni Pimentel ang mga gambling lords, lalabas na hindi na siya binibigyan ng A-1 na detalye ni Boy Mayor, na may porsiyento na sa mga jueteng operators. Si Boy Mayor naman ay kasalukuyang nagtatago para hindi siya makunan ng komento ukol sa naglilipanang jueteng sa bansa. Abangan!

Show comments